Sa programang Cristy Ferminute ay napag-usapan ng veteran columnist na si Cristy Fermin at ng kanyang partner na si Romel ang tungkol sa kinahinatnan ng karera ng dating karelasyon at ka-loveteam ni Nadine Lustre na si James Reid.
Matatandaang umalis na sa Pilipinas si James patungong Amerika, ayon sa ilang nakakakilala sa aktor-singer. Nagtungo umano si James sa Los Angeles para ituloy ang kanyang mga pangarap.
Hindi pa tinukoy kung ang pangarap na iyon ay ang pag-arte o musika, dahil si James ay bihasa sa parehong larangan.

Sobrang nanghihinayang naman si Cristy dahil sa kinahinatnan ng karera ni James pati na rin sa loveteam na JaDine.
“Alam mo, ito ‘yung karerang sayang na sayang lalo na ‘yung loveteam nila ni Nadine, sayang na sayang,” ani Cristy.
Ang loveteam na JaDine ay nakikipagsabayan na noon sa KathNiel at gayun din sa LizQuen.
“Itong si James, siya ang naunang umalis sa Viva. Umalis siya sa Viva thinking na kakayanin niyang mag-isa ang karera niya.”

“Dumating siya sa Viva na may kasamang auditor na may dalang calculator na kasama niya ang tatay niya at may isa pang lawyer kasi nagkuwentahan sila ng Viva Artist (Agency).”
“Para sa kanya malaki raw ‘yung kinukuhang komisyon. E, Romel naman, ang Viva naman ang gumagastos sa lahat ng pictorial, promo at sila ang humahanap ng proyekto lalo na ang mga TVC ‘yung commercial.”
“E, bakit naman hindi kukuha ng komisyon, e, sila ang namumuhunan, so, umalis siya. Matapos ang ilang buwan, si Nadine naman ang nagtangka hanggang sa nagkademandahan. Sayang itong si James Reid napakaguwapong bata, magaling kumanta,” ani Cristy.

Noong nasa Viva pa raw si James ay kaliwa’t kanan ang projects niya; na pagbukas mo ng telebisyon ay puro James Reid at Nadine lalo na ang aktor, sabi ni Cristy.
“’Yun nga lang hindi siya gaanong magaling sumayaw, mukha-mukha na lang ang labanan, ‘di ba? Kasi ano siya, isang puno na maraming sanga malaki ang mga dahon pero maliit ‘yung pinakapaa,” saad ni Cristy.
“Sana matagpuan niya ang hinahanap niya sa Amerika,” dagdag pa niya.
Wala ring ideya si Cristy kung nabenta na ang bahay ni James Reid na nagkakahalaga ng mahigit P80 million.
“Eighty million ‘yun sa Loyola Grand Villas, e, sa panahon ngayon ng pandemya kahit nga eight million, e, napakahirap hanapin,” saad pa ng manunulat.
Basahin: James Reid nagtungo na sa LA para sa bagong yugto ng kanyang pangarap?