Pinag-iisipan ngayon ng kampo ni presidential aspirant Senador Manny Pacquiao na iurong na lamang ang Motion for Reconsideration na kaniyang inihain para sa ibinasurang cyberlibel complaint laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Nitong Martes, iniulat ng Inquirer na na-dismiss ang reklamo ni Pacquiao kontra Quiboloy na isinampa sa Makati Prosecutor’s Office.

Ayon sa resolution ng piskalya, nabigo ang kampo ng senador na patunayang ginawa ng kontrobersiyal na pastor ang alegasyon “with knowledge of their falsity or with reckless disregard of whether they were false or not”.
Sinabi naman ni Atty. Nikki de Vega, abogado ni Pacquiao, na plano na lamang nilang i-atras ang MR upang bigyang-daan ang extradition laban kay Quiboloy na nahaharap sa iba’t-ibang kaso sa Estados Unidos.
Noong nakaraang buwan, nakasama sa ‘most wanted list’ ng FBI si Quiboloy at ilang tauhan niya bagama’t wala pa namang pormal na extradition request ang US sa Pilipinas.

Mas mahalaga umano kay Pacquiao na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ni Quiboloy.
“According to Sen. Manny, it is more important to bring justice to the victims of heinous crimes. Maraming nasirang buhay ang kailangang bigyan ng katarungan. Narito si Sen. Manny upang itaguyod ang karapatan ng mga bata at babaing naaapi,” pahayag ni De Vega sa ABS-CBN News.
Matapos ibasura ng piskalya ang reklamo, kaagad nagsampa ng MR ang kampo ni Pacquiao bilang remedy umano sa kawalan ng hustisya.

“Ang laban na ito ni Senator Manny ay para sa ating mga kababayan na biktima nang fake news at pinagkaitan ng hustisya. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa ating kababayan na patuloy na ipaglaban ang katotohanan at hindi magpasupil sa mga makapangyarihan,” ani De Vega.
Ang reklamong cyberlibel ni Pacquiao ay nag-ugat sa naging pahayag ni Quiboloy sa telebisyon at mga social media post na inaakusahan nito ang boksingero ng paglulustay ng pondong nagkakahalaga ng P3.5-B para sa pagpapatayo ng Sarangani Sports Training Center.
Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit hindi dumalo ang ‘Pambansang Kamao’ sa ginanap na presidential debate na inorganisa ng SMNI, ang network na pag-aari ni Quiboloy.