Maraming netizens ang kinilig at natuwa dahil sa isang natanggap na ‘confession paper’ ng isang engineering student mula sa kanyang ‘study buddy.’
Si Rianah Togado ay isang freshman engineering student sa University of the Philippines Los Banos (UPLB) at may ‘study buddy’ siya, si Emmanuel ‘Manu’ Bengco, na nag-aaral rin sa nasabing unibersidad.
Sa kalagitnaan ng kanilang online study session ay nakatanggap si Rianah ng mensahe mula sa kanyang ‘study buddy’, kung saan ay nagkunwari si Manu na may ipapa-check na reaction paper sa kanya.
Nang buksan ito ni Rianah ay nagulat na lamang siya pagkat hindi pala ito isang reaction paper kundi isang confession paper na may litrato nilang dalawa. Kalakip nito ang mensahe ng binata kaugnay sa nararamdaman nito para sa dalaga.

“Kung curious ka, tinulungan mo ko maging comfortable with responsibilities, maging isang mabuting tao, at mag-aral nang mabuti,” pagtatapat ni Manu.
“And then you came, you brought me out of the shell. I realized na dapat paghirapan para makuha ang isang pangarap. ‘Yung part na paghihirapan mo makes it worth it,” dagdag pa nito.
Ayon kay Rianah, ang pakikipag-date ay wala sa kanyang plano nang siya ay tumuntong ng college dahil mas pina-priority niya ang pag-aaral.

“Hindi ko po talaga balak pumasok sa kung anong relationship kasi focused po ako sa pag-aaral,” aniya.
Ibinahagi rin niya na noon pa lang ay pangarap na niya ang makapasok sa UPLB kung saan rin nag-aral ang kanyang mga kapatid.
Gayunpaman ay hindi raw niya inaasahan na makakakilala siya ng isang tao na pinapahalagahan din ang pag-aaral kagaya niya.
Kalaunan ay naging ‘study buddy’ ni Rianah si Manu. Pareho ang kinuha nilang program sa University at nauunawaan naman ng dalawa na ang edukasyon ang kanilang prayoridad.
“Sabay kami mag-aral kaya namomotivate namin ang isa’t-isa. Sa kanya ko na-realize na hindi distraction ang pagkakaroon ng love life at napatunayan ko na pwede pala ito maging inspiration,” ani Rianah.
Ang dalawa ay scholar ng kanilang University. Samantala, isa si Emmanuel sa mga top passers ng UPCA sa kanilang programa sa UPLB habang si Rianah naman ay isang DOST iskolar.
Dahil sa pandemya ay minsanan lamang magkita ang dalawa.
Kinagawian naman ni Emmanuel ang panghaharana kay Rianah sa pamamagitan ng voice call sa messenger kung saan iba’t-ibang cover ng kanta ang kanyang ipinapadala. Sinabi nito na kakantahan daw niya si Rianah kada tatlong araw hanggang mapa-oo niya ito.
Umabot ng mahigit 1.1M views ang naturang video via Philippine Star na ibinahagi rin ng dalawa sa kani-kaniyang Facebook wall at umani na ito ng 38k reactions.
