Para kay vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, isa si Robin Padilla sa mga makapagbibigay ng inspirasyon sa mga Pilipino sa panahon ngayon.
Sa ika-19 epsiode ng ‘Sara All For You’ kung saan nag-guest si Robin bilang isa sa mga sinusuportahang kandidato ni Inday Sara, naikuwento ng aktor ang ilang bahagi ng kaniyang pinagdaanang buhay.

Inihambing din ni Robin ang kaniyang nakaraan sa Lungsod ng Davao na dati umano ay magulo subalit nagawa itong baguhin ng pamumuno ng mga Duterte.
“Kaya mahal na mahal ko ang Davao City dahil ito ang salamin – pwede po tayong umangat, at kayang magbago ng buong Pilipinas kung susundan lang natin ang ginawa ng Davao,” paglalahad ng aktor.
Aniya, katulad niya na nabago ang buhay dahil sa Panginoon, nabago rin ng maayos na pamamalakad ng mga Duterte ang Davao.

Ayon naman kay Inday Sara, ang pambihirang kuwento ng buhay ni Robin, na dating nakulong sa Bilibid subalit nagawang makabalik muli sa showbiz, ay maaaring paghugutan ng inspirasyon ng mga Pinoy.
“Narinig ko na ang life story mo and very inspirational siya. And ‘yun ang kailangan ng karamihan ng mga Pilipino ngayon. Kailangan nila ng inspirasyon,” wika ng alkalde.
“And you are the very perfect senator na makapagbibigay ng inspirasyon sa ‘ting mga kababayan dahil dinaanan mo ‘yun lahat. Personal knowledge and experience mo talaga na masasabi mo na ‘ito ang natutunan ko, at sana ay maging inspirasyon ang buhay ko sa inyo’,” dagdag pa ni Inday Sara.

Marami pang napag-usapan ang dalawa kabilang na ang personal na buhay ni Robin na may kinalaman sa kaniyang pag-aasawang muli.
Ang tinaguriang ‘Bad Boy of Philippine Movies’ ay tumatakbong senador sa ilalim ng PDP-Laban. Bagama’t malapit na kaibigan ni Inday Sara ay hindi siya nakabilang sa sampung senatoriables na nasa lineup ng UniTeam nina Bongbong Marcos at Dutert.
Panoorin ang buong panayam kay Robin sa “Sara All For You”: