Inamin ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na walang basehan ang akusasyon noon laban kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na naging mortal na kaaway ng kaniyang administrasyon dahil sa pangyayari.
Sa kaniyang bagong-labas na memoir na may titulong ‘Deus Ex Machina’, inalala rin ng dating presidente ang kaniyang nabigong tangkang pakikipag-ayos sa senador.

Taong 2001 noon nang si Lacson ay inakusahan ng pagkakaroon ng milyon-milyong pera sa kaniyang dollar account na nagmula daw sa mga ilegal na aktibidad noong siya ay hepe pa ng PNP.
Ang impormasyong ito ay nanggaling kay Antonio Luis Marquez alyas ‘Ador Mawanay’ na ibinigay kay dating AFP intelligence chief Victor Corpus.
“The information that was made public could not be substantiated. I was told that years later, Corpus apologized for the incident,” ayon sa memoir ni Arroyo.

Bigong pakikipag-ayos
Ibinahagi rin ng dating presidente na sinubukan ng kaniyang kampo na makipag-ayos kay Lacson subalit nabigo itong mangyari.
Katatapos lang umano noon ng EDSA 2001 at kinumpirma niya sa media ang planong panatilihing PNP chief si Lacson subalit tutol dito ang civil society group.
Inalok din daw niya ang senador ng ambassadorship position subalit tinanggihan din ito ni Lacson.
“During the 2001 elections, Lacson won the 10th out of 12 Senate seats, and we discussed a political reconciliation,” wika pa ni Arroyo.

Hindi rin natuloy ang ‘political reconciliation’ na ito dahil mas pinili raw niyang paniwalaan noon ang sinabi ni Mawanay. Ang kabiguang makipag-ayos sa dating PNP chief ay isinisi ni Arroyo sa ‘toxic politics’ umano noon.
Makaraan ang ilang taon ay sunod-sunod ang naging expose’ ni Lacson laban sa administrasyong Arroyo kabilang na ang P105-M chopper scam na sangkot si First Gentleman Mike Arroyo, ang P728-M fertilizer scam, at ang $329-million NBN-ZTE deal.
Better late than never
Pinuri naman ni Lacson ang pag-aming ito ng kaniyang dating mortal na kaaway.

“Late is always better than never. To ex-PGMA’s credit, she has the decency and courage to admit that she publicly and unjustly accused me of various crimes based of false information. Whatever, I have already forgiven her a long time ago,” anang senador sa isang tweet.
Sa panayam ng Inquirer, sinabi rin ng mambabatas na sa loob ng siyam na taon sa ilalim ng rehimeng Arroyo, wala siyang hiniling noon kung hindi maibalik ang kaniyang dignidad at karangalan.