Hindi papangalanan ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kasamahang senador na diumano’y ‘nakikialam’ sa disqualification petition laban kay Bongbong Marcos.
Sa panayam ng TeleRadyo nitong Miyerkules, kinumpirma ni Sotto na nag-text nga sa kaniya si Comelec Commissioner Rowena Guanzon tungkol sa isang senador na nag-iimpluwensiya raw kay Commissioner Aime Ferolino upang i-delay ang paglabas ng resolution hinggil sa DQ petition kay Marcos.
Tumanggi raw siyang isapubliko ang pangalan ng naturang senador dahil lalabas na ‘hearsay’ lamang ang kaniyang ilalahad.
“Ginawa naman niya tinext niya ako…Sinabi ko I will not make this public. I will wait for you to make this public. Otherwise kung wala naman sa akin direct evidence kung bakit ganun, sabi ko hearsay ako,” paliwanag ng Senate President.
Wala umanong magagawang motu propio na aksiyon ang Senado hangga’t wala silang natatanggap na reklamo hinggil dito.

Kahit raw na naka-break ang Mataas na Kapulungan, handa naman silang mag-convene ng isang public hearing kung kinakailangan.
Sa pagkakataong ito ay maaari nang isapubliko ni Guanzon ang pangalan ng senador na isinasangkot niya sa kontrobersiya, ayon kay Sotto.
Nauna nang sinabi ni Guanzon na sinabi na niya kay Sotto ang pangalan ng senador.

Hindi rin umano niya ito papangalanan dahil alam na rin ito ng misis ng senador na galit na galit din dahil sa pangingialam ng kaniyang mister.
“I was told last night that his wife already knows and then I already told the person in authority,” ani Guanzon sa naunang panayam. “It’s enough for me that his wife already knows and there’s going to be a war in his household.”
SI Guanzon ay nakatakdang magretiro sa Huwebes, Pebrero 2, subalit handa umano siyang humarap sa Senado bilang private citizen kapag ipinatawag.