‘Nasakote’ ang isang manok na nadiskubreng paikot-ikot at sinusubukang lumusot sa isang ‘high security zone’ sa Pentagon nitong nakaraang Lunes, Pebrero 1.
Hindi pa malaman kung paanong nakapasok at nakalapit ang manok sa nasabing lugar na napakahigpit ng seguridad, subalit nagulat umano ang mga armadong guwardiya nang maispatan ito.

Lubha rin umanong napakalamig sa lugar kung saan nadampot ang manok na kinalaunan ay ibinigay sa local animal control officers para sa nararapat na aksyon.
Ibinahagi rin ng Animal Welfare League of Arlington (AWLA) ang nakakatawang kuwento sa kanilang Facebook at Twitter accounts.

“Apparently, the answer to “why did the chicken cross the road” is to get to the Pentagon?! This chicken was caught sneaking around the security area at the Pentagon (we’re not kidding) and our officers picked her up,” ayon sa AWLA.
“Sgt Ballena brought her safely to the shelter where she’ll stay until we find a new home for her!” dagdag pa ng organisasyon.

Humingi rin sila ng suhestiyon sa mga social media followers kung ano ang nararapat na ipangalan sa pilyo at notoryus na manok.
Ilan sa mga nakatutuwang mungkahi ay ‘Henny Penny’, ‘Colonel Sanders’ (ng KFC), ‘Chick Cheeney’, ‘Chairhen of the joint cheeps of staff’, at ‘Hentagon’.

Hirit naman ng isang user, baka magandang gawing dahilan umano ito upang muling dagdagan ng Congress ang budget ng Defense ng nasa $12-B.
Aniya, “It’s probably not a joke that this chicken will prompt Congress to increase Department of Defense spending by $12 billion.”
Marami rin ang nag-alok na alagaan na lang nila ang ngayon ay sikat nang manok, subalit tumanggi ang AWLA dahil may nakalaan na umanong espasyo para dito sa isang local animal sanctuary.