Try and try until you succeed! Iyan ang pinatunayan ng isang graduate ng Education.
Nagtapos si Richelle Ann Arnesto Gonzales mula sa University of Eastern Philippines noong 2010 at kinuha ang kanyang unang licensure exam pagkatapos ng kaniyang graduation.
Sa kanyang maraming pagtatangka, naalala niyang kailangan niyang kumuha ng LET exam dalawang beses sa isang taon, ngunit siya ay nabigo pa rin.
Siya ay kumuha ng licensure exam para sa mga guro hindi lang isang beses, hindi lang dalawang beses, kundi mahigit isang dosenang beses.

Nasa bingit na siya ng pagsuko ngunit alam niyang ang pagkakaroon ng lisensya ay magbibigay-daan sa kanya upang makatulong sa pinansyal na katayuan ng kanyang pamilya.
“Maraming beses ko na pong inisip na sumuko at hindi na mag-take ng exam. Sa bawat exam ko, ang naiisip ko ay ang mga pangarap ko, at pangarap ng pamilya ko,” aniya sa isang panayam ng PhilStar.
Kahit na nagsimula na siya ng sarili niyang pamilya, naglaan pa rin siya ng oras para sa kanyang review. Ang pamilya ang nagbigay inspirasyon kay Richelle upang magtagumpay sa kabila ng mga pagkabigo niya.
Sa kanyang FB post sa PRC page, “Naipasa ko na‼️ After 11 years of hoping, struggling (emojis) Hindi ko na binilang kung ilang ulit akong nag exam at bumagsak (sad emojis) 1st ,2nd, 3rd?,……..?? Prayers and efforts…. Laban na. Huwag mahiya pag nadapa….tumayo at lumakad uli….”

Sa kanyang 15th try ay nakapasa na si Richelle ng Northern Samar sa LET.
Mahigit 12 taon nang makamit niya ang kanyang pangarap na maging isang lisensiyadong guro.
“Nang malaman na ng pamilya ko na nakapasa ako, sabi nila, ”di ba sinabi namin na kaya mo? Tiwala lang. Magtiwala sa sarili at manalangin. Ibibigay din sa’yo.”
“Sa sobrang saya ko lumundag ako nang lumundag. Umiyak, na sa wakas naipasa ko na rin siya. Sobrang saya ko at pamilya ko.”

Mayroon na siyang anim na anak at kasalukuyang nagtatrabaho bilang volunteer sa kanilang munisipyo.
Plano niyang mag-apply bilang Senior High School TLE teacher sa Northern Samar.
Nang ibahagi ni Richelle ang kanyang kuwento sa pamamagitan ng isang PhilStar video, maraming netizens ang na-inspire sa kanyang pagpupursige at pasensya. Umabot na sa 1.4 million views ang video.
“Kaya sa lahat ng nawalan ng pag-asa, laban lang. Wag papatalo sa hina ng loob. Kahinaan natin ay gawin nating lakas para matupad natin ‘yung mga pangarap natin, para makatulong tayo sa pamilya natin.”
Tunay nga na lahat ng pagsusumikap at sakripisyo ay magbubunga sa tamang panahon.
