Nakahanda umano si Gretchen Barretto na ilantad ang mga diumano’y ebidensiyang magpapatunay na naglalaro din ng e-sabong si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Si Dela Rosa ang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nangunguna sa imbestigasyon tungkol sa mga nawawalang sabungero kung saan nadawit ang pangalan ni Atong Ang.

Kilalang malapit na magkaibigan sina Gretchen at Ang. Si Ang ang may-ari ng Lucky 8 Star Quest na konektado sa Pitmaster group kung saan si Gretchen naman ay miyembro umano ng Team Alpha nito.
Kung matatandaan, sunod-sunod ang mga Instagram stories ng aktres na bumabatikos kay Dela Rosa. Kabilang na rito ang pagpuna ni Gretchen sa mamahaling relo daw ng senador na nakita niya sa live streaming ng Senado.
“Ang mahal ng relo ni Bato. Saan kaya nanggaling? My God! A senator has that much! Oh my gosh,” ayon kay Gretchen.

Kinuwestiyon rin niya ang kakayahan ni Dela Rosa bilang mambabatas. Aniya, “How did Bato ever become a senator? Tignan mo ang line of questioning niya. Kailangan talaga lawyer ang mga nakaupo.”
“People, vote wisely. Don’t vote a Bato! My gosh! Dapat sa ‘yo game show,” dagdag pa ni Gretchen.
Isa pang alegasyon ng partner ni Tonyboy Cojuangco ay tungkol umano sa paglalaro din ni Dela Rosa ng e-sabong.
“Tumatalpak kasi si Bato na ito, e. Bato, ilabas natin ‘yung mga talpak mo kaya,” pag-aakusa ng aktres.

Handa rin umano siyang maglabas ng mge ebidensiya para patunayang may ‘balance’ pa ang senador sa isang personalidad na may kaugnayan sa Pitmasters.
“I am very willing to present evidence to you of my so called accusations Bato dela Rosa. In front of media. Time & place? Hurry pls,” banta pa ni Gretchen sa isa sa kaniyng Instagram stories.
Sagot ni Bato
Samantala, isa-isa namang sinagot ng senador ang mga akusasyon ni Gretchen laban sa kaniya.
“Yung unang-una sabi niya mahal daw yung relo ko. Bakit siya lang ba may karapatan na magsuot ng P85K na halaga ng Tag Heuer na relo? paliwanag ni Bato sa isang panayam ng SMNI kamakailan.
“Bakit hindi pala ako puwede? Mahal talaga ‘yun para sa akin, pero sa kanila, ewan ko kung talagang totoong mahal sa kanila,” wika pa ng dating PNP chief.

Tinawag ring ‘character assassination’ ng senador ang pagkuwestiyon ni Gretchen sa kaniyang kakayahan.
“Character assassination ang ginagawa nila sa akin, para lang to get back with me. Dahil hirap sila lumusot sa issues na kinaroonan nila,” anito.
Maliban dito, pinabulaanan din ng mambabatas na siya ay ‘tumatalpak’ rin at may balanse pa umano sa kaniyang taya.

Giit ni Bato, paano siyang magkakaroon ng ‘balance’ gayung hindi naman siya nagsusugal.
“Never man akong nagsasabong. Never in my life. Kahit once na, nag-bet ako sa sabong, never nangyari sa buhay ko,” paliwanag nito.
Samantala, mistulang tinanggal na rin ni Gretchen ang kaniyang mag Instagram stories dahil hindi na ito mababasa sa kaniyang account.