Dalaga sa Ilocos Sur na napulot noong bata pa, hinahanap ngayon ang tunay na magulang niya

Hinahanap ngayon ng isang dalaga sa Ilocos Sur ang kaniyang tunay na pamilya makaraan ang halos 24 taon.

Sa ulat ng Balitang Amianan ng GMA News, napulot lamang sa Pangasinan ang noon ay bata pang si Jadelhyn Calixterio.

Nakita raw siya ng isang ginang na umiiyak sa loob ng isang bakuran ng isang bahay sa lungsod ng Dagupan taong 1997 o 1998. Mag-isa lamang daw ito kaya sa pangambang may mangyaring masama ay isinama siya ng ginang sa Narvacan, Ilocos Sur.

Ang kumupkop sa kaniya ang siya na ring nagparehistro ng ginagamit niya ngayong pangalan at tuluyan na rin siyang inampon ng mga ito.

Batay naman sa Facebook post ni Jadelhyn, hindi na mataandan ng kaniyang kinagisnang magulang ang eksaktong lugar sa Pangasinan kung saan siya nakita ng mga ito.

Paniwala umano ng mga ito, nasa isang taong gulang pa lamang siya noong mga panahong iyon.

Noong 2018 ay nagpasiya si Jadelhyn na pumunta sa Pangasinan upang hanapin ang kaniyang tunay na pamilya subalit nabigo siyang matagpuan ang mga ito.

Sa kasalukuyan ay isa nang midwife at medical student ang dalaga subalit hindi pa rin buo ang kaniyang pagkatao.

Umaapela ngayon sa publiko si Jadelhyn na sana ay matulungan siyang matunton ang kaniyang tunay na pamilya.

“Nawa’y matulungan po ninyo akong mahanap ang aking tunay na mga magulang sa pamamagitan ng pagbibigay impormasyon kung may alam kayo o ‘di kaya’y pagshare ng post ko po,” ani Jadelhyn sa kaniyang post.

Nagbahagi rin siya ng ilang larawan noong siya ay bata pa.

Samantala, suportado naman ng kaniyang kasintahan at magulang nito ang paghahanap ni Jadelhyn sa kaniyang tunay na pamilya.

Panoorin ang kuwento ng paghahanap ni Jadelhyn:

Post a Comment

Previous Post Next Post