Hindi pinalampas ni Darryl Yap ang patutsada ni Miss Trans Global 2020 Mela Franco Habijan sa ipinost nitong open letter sa Facebook.
Sa Facebook post ni Habijan ay tinag pa nito ang kontrobersyal na direktor at manunulat ng “Kape Chronicles” noong hapon ng Biyernes, Marso 18. Nag-viral at humakot ng libo-libong shares sa social media ang kanyang post.
“Gusto ko talagang malaman kung saan nanggagaling ang yabang mo. Kasi truth be told (and I’m not sorry for bursting your bubble): HINDI KA MAGALING!” ani Habijan.
Binatikos rin nito ang mga gawa ni Yap at ang potensyal umano nito na hindi umano nag-evolve.

“Oo, may potential ka — tulad ng kahit sino. Pero nakakaawa na naging hanggang potential ka lang. Hindi ka nag-evolve as a creator. Hindi ka maayos kumatha — pilit ang metaphors, maraming loopholes ang storyline, at hanggang sensational lang naman ang content mo,” pagpapatuloy nito.
“I think nag-aapply sa’yo ang thought ng Chicago, “If you can’t be famous, be infamous!” Kaya siguro ang ingay mo. But reality bites, isa kang latang walang laman,” dagdag pa ni Habijan.
“I will never be afraid to express this truth: ang ugali mo ay repleksyon ng mga gawa mo — PANGIT!” pagtatapos nito sa kanyang open letter.
Bukod sa ‘lenlen chronicles’, baka may kaugnayan din ito sa nakaraang FB post ni Yap (na ngayon ay burado na). Doon ay sinabi nito sa caption ng isang Twitter screenshot ng campaign sortie nina Leni at Kiko tandem sa Butuan City na, “Nangako na ‘ko sa sarili kong ‘di na ‘ko maghahanap ng swimming pool. Pero talagang tao lang ako.”

Samantala, dahil naka-tag siya mismo ay nakarating naman kay Yap ang mga patutsada ni Habijan at sumagot ito sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post kalakip ang isang video.
Bilang panimula ay humingi muna ito ng pasensya, “Pagpasensyahan na po ako ng mga sumusubaybay sa akin at maging sa mga naghihintay na patulan ko itong isang nagngangalang Mela.”
Bahagi ng kanyang paglilinaw, “hindi ko po naging ugali ang magsabi sa isang tao na siya ay hindi marunong, hindi magaling at walang mararating—dahil iyon po ang simula ng pagbagsak ng sarili mong katinuan; walang sinuman ang may karapatan na maliitin ang kahit sino, kahit pa mismo ang iyong magulang.”
“Sa edad na 35, sa 2 taon ko sa showbiz, at 3 taon sa social media— hindi po ako naaapektuhan sa mga ibinabato sa akin dahil sa dalawang dahilan.”

“Una, hindi po umaabot ang bato, Pangalawa, ang binato nilang hindi umaabot sa akin ay sasabog lamang sa kanilang mukha,” dagdag pa niya.
Si Yap ay kilalang tagasuporta ng UniTeam tandem nina Presidential candidate Bongbong Marcos Jr. at Vice Presidential aspirant at Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Si Habijan naman ay isang masugid na tagasuporta nina Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at Vice Presidential candidate Sen. Kiko Pangilinan.