Dating OFWs na couple nakamit ang tagumpay sa pagbebenta ng online ukay-ukay

Tulad ng ibang overseas workers, ang mag-asawang OFW na sina Edwin at Macx Pantaleon ay nagplanong magsimula ng negosyo sa Pilipinas.

Nang sa wakas ay may sapat na silang pampuhunan, ang dalawa ay nag-resign sa kanilang trabaho noong 2019.

Nagtayo agad sila ng computer shop business sa Quezon City noong Enero 2020, pero bago pa man nila mabawi ang P400,000 na ipinuhunan nila ay nangyari na ang COVID-19 pandemic.

Napilitan ang mag-asawa na isara ang kanilang negosyo kaya bumalik sila sa zero.

“Kasi nagsisimula pa lang ‘yung pandemic siyempre. Kailangan nag-i-start ka talaga from the bottom,” kuwento ni Macx sa video na ibinahagi ng PhilStar.

“Buti matigas ang ulo niya. Nag-try ulit. Sugal ulit,” kuwento naman ni Edwin kaugnay sa determinasyon ng kanyang misis.

Pagkauwi ay nagpasya si Macx na ibenta ang kanyang mga lumang office clothes sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak.

Noong Marso 2020, muling sinubukan ng mag-asawa ang magnegosyo sa pamamagitan ng pagtitinda ng ukay-ukay.

“First bale is P9,000. Ang bumalik sa’kin is P2,000 lang. As in sobrang lugi talaga. Tapos merong time no’n sabi namin, ‘Ayoko na, tama na, tigilan na natin ‘to,'” ani Macx.

Malapit na silang mawalan ng pag-asa dahil ito na ang kanilang huling pera. Pero hindi sumuko si Macx.

Nakumbinsi niya ang asawa na magsimula ng home-based  food business para makabawi sa kanilang mga pagkalugi.

“Dun kami kumita, so pinaikot ulit namin ‘yung pera. Bumili ulit ako ng isa pang bale pero mas mura na ng konti,” ani Macx.

“Sa pangalawa kasi, nag-effort na todo ko. Pina-laundry namin, plinantsa, ganon. Todo-todo effort na ‘yon. Nag-start na mag-grow,” sabi naman ni Edwin.

Noong panahong iyon, kailangang i-drop ng mag-asawa ang mga orders ng kanilang buyers sa courier. Bumili din sila ng second-hand na kotse at motorsiklo gamit ang kanilang kinita sa negosyo.

Abril 2020 ang rurok ng kanilang negosyo. Nakatanggap sila ng humigit-kumulang 7,000 na orders nationwide at kumikita ng hindi bababa sa P300,000 bawat buwan.

Makalipas ang isang taon, nagbunga ang kanilang pagsusumikap. Nakapagpatayo sila ng 120 square meters na bahay sa Quezon City at kanila itong ibinahagi sa Home Buddies page.

Gusto ko lang ishare sa inyo yung blessing na binigay ni Lord sa amin galing sa pagiging ukayera sa live selling. Ilang taon din kaming ofw umuwi and nagkaroon ng stable job dito sa pinas, pero nag resign at nag focus sa business. Negosyo lang pala ang makakapagbigay ng Bahay, sasakyan at motor sa amin. Dasal. Tiwala. Gawa at pagsisikap lang ang naging pundasyon namin magasawa.”

Sa pagbabalik-tanaw, napagtanto ni Edwin na hindi ito naging posible kung ang kanyang asawa ay sumuko pagkatapos ng kanilang unang pagkalugi.

Nagtutulungan ngayon ang mag-asawa sa kanilang live selling ng ukay-ukay. Ang kanilang mga produkto ay ipinapadala na sa buong bansa.

Panoorin ang isa nilang live selling session sa StylemoCo:

 

Post a Comment

Previous Post Next Post