Friendship to Neighbors: Magkaibigang magkasosyo sa negosyo nagtulungan upang makabili ng kani-kaniyang bahay

Si Cherry Sanglitan, 24 anyos, at Mariz Nayle, 25 anyos, ay magkaibigan na simula pa noong 2013 hanggang ngayon.

Ayon kay Mariz ay gawain daw niyang yayain ang kaniyang mga kaibigan kapag may gagawin ito katulad na lang ng pagkuha ng insurance.

“Ako kasi may ugali na kapag may gagawin, niyayaya ko mga kaibigan ko. Like, kumuha ko ng insurance, sasabihan ko sila na kumuha ko then sasabihin ko na kumuha rin sila,” aniya.

“Nakasosyo ko si Cherry sa negosyo kasi niyaya ko siya then sumama siya,” dagdag niya.

Noong college daw sila ni Cherry ay nagbebenta sila sa kanilang school ng kung ano-ano para lamang may pambayad sa mga expenses sa school na hindi sakop ng kanilang scholarship.

Naikuwento rin niya na pareho silang iskolar sa St. Michael’s College of Laguna kung saan ang kanilang scholarship ay galing sa munisipyo.

“Noong college nagbebenta kami ng kung ano ano sa school pambayad sa mga bills sa school na hindi sakop ng scholarship. After college, magkaco-teacher kami sa private school. 2 yrs din kami dun.”

Networking at pagiging seller sa Shopee ang naging simula nina Mariz at Cherry upang makakuha sila ng bahay sa Cavite. Disyembre 2020 raw nang magsimula sila sa pagiging shopee seller.

Ang kanilang nakuhang bahay ay pre-selling at nagkakahalaga ng 1.3M.

“Then after that, nag-public school kami. Magkahiwalay kami ng school na pinasukan. Tapos ayun, nayaya ko s’ya mag-networking dati. After networking, shopee naman. Ito yung start namin. Then ayun, niyaya ko s’ya kumuha ng bahay. Sumama naman. Kaladkarin ‘yun eh.”

“Sinong mag-aakalang hahantong kami sa ganito sa edad na beinte-kwatro? (Sanggang dikit na ata kami hanggang dulo). Nakakatuwang isiping may kaibigan kang hindi ka iiwan sa anumang pagsubok at sasamahan ka pa sa pag-abot ng pangarap,” ani Cherry.

“Sana makahanap ka ng taong makakasangga mo sa pagtupad ng maraming bagay. Hindi kailangang marami, basta’t may iisang nagtitiwala’t sumusuporta, sapat na. Cheers to our 9TH YEAR ACHIEVEMENT!” pagbabahagi pa niya sa kanilang Facebook page na Fits ALL Shop.

Post a Comment

Previous Post Next Post