Sa panahon ngayon ay kaniya-kaniyang diskarte ang mga motorista para makatipid sa gasolina dahil nagmahal ang krudo.
Ayon kay Engr. Edmundo Briserio, hinahaluan daw niya ng mantikang pinagprituhan ng manok ang diesel na inilalagay niya sa kaniyang sasakyan.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na hinihingi niya ang mga mantikang ginagamit ng kaniyang kaibigan sa pagpiprito ng unli-chicken wings.
Sa halip na gamitin uli ni Edmundo ang mantika ay ibibilad niya ito na nakalagay sa plastic container ng isang linggo.

Ito ay para bumaba umano ang mga latak sa mantika. Pagkatapos nito, sasalain naman ni Edmundo ang mantika sa isang oil filtration system.
Kapag natiyak nang malinis ang mantika, saka niya ito ihahalo bilang pamparami sa diesel ng kaniyang sasakyan.
Ayon kay Edmundo, nagsagawa raw siya ng pag-aaral na peanut oil talaga ang gamit sa diesel engine ng mga sasakyan kaya sinubukan niyang haluan ng mantika ang diesel.
Aniya, ay dalawang taon na raw niya itong ginagawa at wala naman daw siyang napansin na nagbago o problema sa performance ng kaniyang sasakyan.

Diskarte niya, kung bumibili siya ng 20 litro ng diesel, hinahaluan niya ito ng 10 litro ng gamit na mantika.
Subalit kahit dalawang taon na niya itong ginagawa ay hindi niya ito inirerekomenda na gawin din ng ibang motorista sa kanilang sasakyan.
Samantala, sa Tanuan Batangas hindi problema ang krudo ng partime electrician na si Arjay Marfa dahil may kakaiba rin itong diskarte. Dahil ang sasakyan niya, pinapatakbo mismo ng solar panel na china-charge gamit ang enerhiya mula sa araw.

“Nung una ginagamit ko sa pagde-deliver ko ng bigas ay ‘yung aking nabiling owner-type jeep, lumang modelo na kaya laging sira. ‘Yung kinikita ko sa pagbibigas ay napupunta na lang sa maintenance,” aniya.
Isa sa mga gumawa ng solar-powered trike ay si Eric Pangyarihan na nagkakahalag ng P50,000.
Ibinibilad lang ni Ar-jay ang solar sa araw sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras at kaya nang humarurot ng kaniyang sasakyan sa buong araw.