Gladys Guevarra may patutsada kay Sharon: “I used to have so much respect sa 'yo”

Kahit nanahimik na si Sharon Cuneta, may pahabol na pasaring pa rin laban sa kaniya ang comedian-singer na si Gladys Guevarra.

Nagpost kasi sa kaniyang Faceboook noong isang araw si Gladys bilang reaksyon sa patutsada ng Megastar kay senatorial aspirant Salvador Panelo dahil sa pag-awit ng huli ng kantang ‘Sana’y Wala Nang Wakas’ sa kanilang campaign sortie.

Maaalalang sinabi ni Sharon na hindi maaaring awitin ang nasabing kanta na katha ni Willy Cruz at  pinasikat ni Mega noong ‘80s.

BASAHIN: Reaksyon ni Sharon sa paggamit ng kalabang partido ng kanyang hit song: WHY?!!!

“You are not allowed to use our song! Don’t mess with a classic. I allow its use only for Leni-Kiko! LOL. Utang na loob baka bumangon si Willy nakakahiya naman sa amin! Kinilabutan ako. In a bad way,” bahagi ng post ni Sharon.

Iginiit naman ni Panelo na kinakanta  niya ang ‘Sana’y Wala Nang Wakas’ para sa kaniyang anak na may Down Syndrome at may pahintulot umano siya mula sa Viva Records.

 

‘Nakita ng lahat ang tunay mong ugali’

Tila hindi naman nagustuhan ni Gladys ang naging reaksiyon ni Sharon sa ginawa ni Panelo.

Sa kaniyang Facebook post noong Linggo, sinabi ng komedyante na nawala umano ang kaniyang respeto sa dating iniidolo na si Megastar.

“Bilang may pinsan at pamangkin akong may Down Syndrome, may pamangkin din ako at may anak akong may Autism, sinasaluduhan at nire-respeto ko si Senator Panelo hindi sa kahit anu pa mang political reasons, pero sa pagiging Amazing father nya,” anito.

“Dati idolo ko si Sharon Cuneta, tuwang tuwa pa ko ng magkaroon ako ng pagkakataong makilala siya nang personal noon sa Eat Bulaga. Nakakapanghinayang lang, at tama naman din yung isang nabasa ko,” dagdag pa nito.

Sayang lang daw ang binuong imahe ng misis ni Kiko Pangilinan na nasira dahil lamang sa isang ‘nakadidiring’ post.

“Sayang yung ilang dekadang binuo mo at pinaka ingatang magandang imahe, sinira mo lang sa iisang nakakaidiring post at negative reaction mo sa ginawang pag awit ni Senator Panelo sa kanta na sinasabi mong dapat ipinaalam sayo,” patuloy ni Gladys.

Nawala na rin umano ang kaniyang paghanga sa beteranang actress-singer dahil lumabas na ang ‘tunay na ugali nito’.

“I used to have so much respect sayo Mega, bilang mang aawit din ako. Ngayon, malinaw pa sa mineral water na nakita ng lahat ang tunay mong ugali . . .” pagwawakas ng post ni Gladys.

Hindi pa naglalabas ng kaniyang reaksyon si Megastar tungkol sa pasaring ni Gladys habang burado na rin sa kaniyang social media account ang post ng paninita niya kay Panelo.

BASAHIN: British ‘Pinoy at Heart’ fan who penned letter to Sharon over Panelo singing her hit song reveals: ‘I still love her music and movies’

Post a Comment

Previous Post Next Post