Ipinaliwanag ni Eastern Samar Governor Ben Evardone na may basbas ni Pang. Rodrigo Duterte ang pag-endorso niya kay Vice President Leni Robredo.
Ayon sa malapit na kaalyado ni Pang. Duterte sa PDP-Laban, noong Pebrero ay ipinagbigay-alam niya rito ang kaniyang planong iendorso si VP Leni sa pagkapangulo dahil nakikita niya raw dito ang sincerity sa pagtulong sa mahihirap.

“Out of respect for PRRD as our President, as a father figure to me and as our party leader, I told him that I am about to endorse VP Leni because I see in her the sincerity of a leader to help the poor,” ani Gov. Evardone.
Sinabi naman daw ni Pang. Duterte na nirerespeto niya ang desisyon ng gobernador.
”I understand, I respect and support your decision,” sabi umano ng pangulo kay Gov. Evardone.

Wala pang opisyal na pahayag kung sino ang ieendorso ni Pang. Duterte sa pagka-presidente ngunit inendorso niya na sa pagka-bise presidente ang kaniyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Gayunpaman, umaasa si Gov. Evardone na ieendorso ng pangulo si VP Leni dahil na rin sa mga katangian ng lider na binanggit niya sa isang panayam.
“Based on PRRD’s television interview last Saturday, I get the sense that his heart is for VP Leni,” aniya.

Sinabi ng pangulo sa isang panayam na kung siya ang tatanungin, sana ay abogado na kayang magdesisyon agad ang papalit sa kaniya.
“Hindi naman ako nagsabi it’s the best quality, but one of the good qualities of a president, sana abogado. Isang tingin mo lang, maka-decide ka na kaagad and the repercussions, alam mo na kung ano,” paliwanag ni Pang. Duterte.
Bukod dito, sinabi niya ring pagmamahal sa kapwa ang isa sa mga katangiang hinahanap niya sa susunod na lider.