Inamin ni Davao City Mayor at vice presidential contender Inday Sara Duterte-Carpio na malapit sa kaniya ang mga miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transexual and queer) community dahil isa rin siya sa mga ito.
Sa idinaos na meet and greet ng kaniyang mga tagasuporta sa Quezon City nitong Huwebes, Marso 10, hinimok niya ang mga kasapi ng LGBTQ community na huwag hayaan ang ibang tao na impluwensiyahan ang kanilang buhay dahil sa kanilang paniniwala, edad o kasarian.
Nagbahagi pa ang alkalde ng kaniyang karanasan habang nasa “Mahalin Natin Ang Pilipinas” caravan kung saan nagpahayag daw ng suporta sa kaniya ang mga LGBT.
“Ang sabi sakin doon sa isang mga nadaanan namin na LGBT group sa aming pangangampanya sa Mahalin Natin ang Pilipinas. Sabi niya, ‘Mahal na mahal ka namin, Inday Sara.’ Sabi ko, ‘Mahal ko po kayo, mahalin natin ang Pilipinas,’” kuwento ni Inday Sara.
“Sabi niya, ‘Hindi, mahal ka namin dahil mahal mo ang LGBT.’ Sabi ko naman sa kanya, paanong hindi ko ba mamahalin ang LGBT e LGBT din ako?” dagdag pa ng UniTeam vice presidential bet.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit nagpapaikli siya ng buhok dahil may nakapagsabi sa kaniyang lalaki ang kaniyang ‘gender expression’.

Tinanong niya rin umano ang kanilang HR, na isa ring LGBT, sa Davao City tungkol dito.
“‘Bakit paminsan-minsan gusto ko maging lalaki, minsan gusto ko maging babae? Pero madalas gusto ko ‘yung mga gawain ng lalaki pero hindi naman ako attracted sa babae,’” kuwento ni Inday Sara.

“So in-explain niya sa akin. Sabi niya ang sexual orientation mo ay babae, ang gender expression mo ay lalaki,” wika pa ng anak ng pangulo.
Kaya ‘wag na raw magtaka ang publiko kung paiba-iba ang ayos ng kaniyang buhok dahil pinaiiklian niya ito kapag nais niyang ‘maging lalaki’ at pinahahaba naman kapag gusto niyang maghitsurang babae.