Pangulong Duterte posibleng ‘iendorso’ ang presidential bet na may letrang ‘O’ - Andanar

Posible raw na i-endorso o suportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidato sa pagkapangulo na may letrang ‘O’ sa kaniyang pangalan.

Ito ang naging tugon ni Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar nang usisain sa isang panayam ng Politiskoop nitong Huwebes.

Subalit lahat naman ng kandidatong tumatakbo ngayon sa pagkapresidente – Bongbong Marcos, Leni Robredo, Manny Pacquiao, Ping Lacson, Isko Moreno at Leody De Guzman –  ay mayroong letrang ‘O’ sa kani-kanilang pangalan.

Maging ang mga hindi gaanong kilalang presidential bet na sina Ernesto Abella, Norberto Gonzales at Faisal Mangondato ay nagtataglay din ng nasabing letra sa kanilang pangalan.

Nang tanungin naman si Andanar kung mayroong kandidato na posibleng hindi susuportahan ang Pangulo, sagot ng kalihim ay medyo mahirap ang tanong subalit maaaring yaong may letrang ‘U’ naman umano.

Sa hanay ng presidentables, sina Pacquaio at De Guzman lamang ang mayroong ‘U’ sa kanilang pangalan.

Nauna nang iginiit ni Andanar na wala pang napipisil sa ngayon si Pangulong Duterte sa mga kandidato para suportahan o iendorso.

“The President has repeatedly said that he does not support any presidential candidate unless there is a compelling reason at kung maalala n’yo po dun sa interview na ginawa natin with the President, he clearly said he may or may not,” anang kalihim sa mga naunang panayam.

Ang susunod na national election ay gaganapin na sa darating na Mayo, subalit nananatiling tahimik pa rin si Duterte kung sino ang kaniyang manok sa eleksyon.

Dati niyang isinusulong ang kandidatura ni Senador Bong Go subalit biglang nagkaroon ng malaking pagbabago matapos umatras ang kaniyang dating special assistant dahil sa personal na dahilan.

Samantala, bagama’t hindi tuwirang inihahayag ni Pangulong Duterte, tiyak na ang kaniyang suporta sa anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumatakbong bise presidente at ka-tandem ni Bongbong Marcos sa ilalim ng UniTeam ticket.

Post a Comment

Previous Post Next Post