Inday Sara nangakong ‘buburahin ang lahat ng kulay’: “Isa lang po tayo, Pilipino tayong lahat”

Gaya ng kanilang campaign slogan na ‘unity’, nangako si vice presidentia bet Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na pag-iisahin nila ang bansa upang masolusyunan ang lahat ng problemang hinaharap ng mga Pilipino.

Sa isinagawang campaign rally ng UniTeam sa Guiguinto, Bulacan nitong Martes, nagbitiw ng pangako si Inday Sara na ‘buburahin’ nila ang lahat ng kulay kapag sila ni Bongbong Marcos ang nahalal sa darating na eleksyon.

“Sinasabi po namin na kapag kami ang inyong pinili na maging pangulo at pangalawang pangulo ng ating bansa, pagkatapos po ng eleksyon ay buburahin po namin ang lahat ng kulay, isa lang po tayo,” ani Inday Sara.

“Pilipino tayong lahat, hihilahin po namin kayo papunta sa tuloy-tuloy na kaunlaran ng ating bansa,” dagdag pa ng alkalde ng Davao City.

Bukod dito, itataguyod din umano ng kanilang tandem ang mga programa ng pamahalaan para labanan ang masasamang elemento sa lipunan at ipagpapatuloy maging ang ‘Build, Build, Build’ program ng kasalukuyang administrasyon.

Bago pa man ito, hinimok rin ni Duterte-Carpio ang kababaihan na magnegosyo upang makatulong sa kanilang pamilya, sa komunidad at sa ekonomiya ng bansa.

Makabuluhan umano ang kanilang campaign rally na nataon sa paggunita ng ‘International Women’s Day’ sapagkat ang Bulacan ang tahanan ni Trinidad Tecson, ang tinaguriang Ina ng Biak-na-Bato.

Ibinida rin ng alkalde ang binuong ‘Magnegosio Ta Dai” sa ilalim ng kaniyang pamumuno sa Davao City.

“Lagi ko pong sinasabi sa mga kababaihan doon sa amin sa siyudad ng Davao, na ang mga kababaihan po ay napakalaki ng maitutulong sa ating mga komunidad, hindi lang as women leaders, puwede din na ang mga kababaihan ay makatulong sa ekonomiya ng ating komunidad, ng ating mga barangay, ng ating mga purok,” wika pa ng anak ng pangulo.

Matapos ang kanilang matagumpay na rally sa Guiguinto, tumuloy na ang UniTeam sa mga bayan ng Meycauayan at Sta. Maria para ituloy ang pangangampanya.

Post a Comment

Previous Post Next Post