Hindi makapaniwala si Nadia Montenegro sa nangyari sa kaniyang nanay na nanakawan umano ng dalawang ATM cards sa loob mismo ng isang membership shopping store sa Novaliches nitong Miyerkules, Marso 2.
Ang masakit pa, nalimas ang pera ng dalawang ATM cards sa loob lamang ng tatlong minuto doon din mismo sa loob.

Kuwento ni Nadia sa kaniyang Facebook Live, nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang kapatid upang ipaalam na nagsa-shopping ito kasama ng kanilang Mommy. Sa kasamaang-palad daw ay nadukot ang ATM cards ng kanilang nanay ng isang grupo na binubuo ng nasa 7 katao.
“We’re here in Novaliches. My mother is here crying because in three minutes, as soon as she found out her wallet is missing, they reported it to the people here in the membership store,” paglalahad ng aktres.

Lalo silang nagulat nang malamang na-withdraw kaagad ang laman ng mga cards sa loob lamang ng tatlong minuto.
Ang isang card raw ay nakuhanan ng nasa $1,700 habang P50,000 naman ang na-withdraw sa pangalawa.
“And in three minutes, nakalabas po yung pitong taong nagnakaw ng wallet niya. When we called the bank, we called up BDO, we called up the Bank of America, nalimas po lahat ng pera ng nanay ko,” kuwento ni Nadia.
“And it happened inside, a membership club, where I’m waiting now for the police to do an investigation,” patuloy nito.
Sana raw ay magsilbi itong babala sa ibang mga shoppers sa naturang membership club na mag-ingat upang hindi rin mabiktima.

Aniya, “Because at this very moment, that seven people that stole my mom’s wallet is still out there celebrating after stealing a P130,000 plus from her.”
Makaraan ang dalawang oras ay nagbigay ng update si Nadia tungkol sa pangyayari. Sa kaniyang sumunod na Facebook Live ay nasa loob na sila ng presinto ng pulisya.
Nakakuha na umano sila ng CCTV sa loob at nakilala na rin nila ang pitong kalalakihan pati na ang plate number ng sasakyan ng mga ito.

“When you watch the CCTV, you will see how fast they work. Habang nandu’n pa sila nakakumpol sa nanay ko at nakuha yung wallet, nakalabas na yung dalawang lalake at naka-withdraw na sa mall dito sa tabi ng membership shopping store. So, it’s a big modus,” bahagi ni Nadia.
Umaasa rin ang aktres na mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniyang nanay na talaga raw napaiyak sa sobrang pagkadismaya. Sa ngayon ay ligtas na rin umano ang kaniyang mommy, ayon pa sa aktres.
Mensahe pa ni Nadia, sana raw ay magtrabaho na lamang tayo nang maayos at huwag nang mambiktima ng iba lalo na ang mga senior citizen na walang kalaban-laban.