Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na bagama’t may magagaling siyang Cabinet members, mayroon din naman siyang mga ‘palpak’ umano sa kanilang trabaho.
Ayon sa presidente, isa lamang siyang ordinaryong estudyante noon kaya ang mga pinagkukuha niya para maging miyembro ng Gabinete ay yaong mga ‘valedictorians’.

“I got the best minds… May palpak lang ako na iilang Cabinet members,” pahayag ni Duterte sa ginanap na ‘Talk to the People’ noong isang araw.
Hindi naman na pinangalanan ng pangulo kung sino ang mga palpak na kaniyang tinutukoy.
Dahil malapit na ang pagtatapos ng kaniyang termino, umaasa rin ang Pangulo na kukunin pa rin ng susunod na administrasyon ang ilan sa kaniyang magagaling na Cabinet members.

Ilan sa mga pinuri ni Duterte ay sina DOTr Sec. Arthur Tugade, COVID-19 vaccination czar Sec. Carlito Galvez Jr., Defense Sec. Delfin Lorenzana, at Finance Sec. Carlos Dominguez III.
Pinasalamatan niya si Tugade dahil sa mga nakumpletong proyekto ng DOTr kaya handa umano siyang ‘ibigay’ ang kalihim sa susunod na presidente.
“Your passion for achievement has always been there. Maligaya ako sa para sa bayan na kinuha kita. Salamat sa—for your tireless toil, and I am ready to pass you on to the next administration as a gift… I’d be happy to hand you over to the—kung sinong ano,” wika ni Duterte.

Gayundin daw sina Galvez, Lorenzana at Dominguez na tiyak niyang matutuwa ang sinumang maging superior ng mga ito.
Pinuri niya rin si Education Secretary Leonor Briones bagama’t hinimok niya ang 81-anyos na kalihim ng DepEd na magretiro na ito.
Ang termino ni Pangulong Duterte sa Malakanyang ay nakatakdang magtapos sa ika-30 ng Hunyo.

Ang kaniyang panganay na anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay tumatakbong bise presidente at katandem si dating senador Bongbong Marcos bilang presidente sa ilalim ng UniTeam.
Ilang buwan bago mag-eleksiyon, nananatiling tikom ang bibig ng punong ehekutibo kung sino ang kaniyang ieendorsong kandidato na papalit sa kaniya sa Malakanyang.