Monsour Del Rosario, si VP Leni na ang sinusuportahang presidential bet

Si VP Leni Robredo na at hindi si Senador Ping Lacson ang presidential candidate na sinusuportahan ng aktor at senatorial contender na si Monsour Del Rosario.

Ito ay matapos kumalas ni Lacson sa Reporma dahil sa pagdeklara rin ng suporta ng naturang partido kay Robredo.

Si Del Rosario ay kabilang sa senatorial lineup ng Reporma at nakasama na rin sa ilang campaign sorties ni Lacson simula noong nakaraang buwan.

Subalit noong nakaraang linggo, naglabas ng video si Monsour kung saan sinabi nitong iginagalang niya ang naging desisyon ni Lacson pero si Robredo na ngayon ang kaniyang susuportahan.

“With what’s happening now with Partido Reporma, I respect the decision of Mr. Panfilo ‘Ping’ Lacson. He is a good man,” saad ng actor-politician.

“There will be another presidential candidate that will win this May 2022 elections and that is Vice President Leni Robredo,” wika pa nito.

Sa kabila nito, wala pa rin umanong mababago sa istilo ng kaniyang pangangampanya at mananatili siyang ilalapit ang kaniyang sarili sa mga tao.

“I will continue my same style of campaigning I will also continue my street campaign and going to the people,” dagdag pa ni Monsour.

Tiniyak din ng aktor na wala siyang planong umatras kahit pa nagkagulo na ang kaniyang partido ilang linggo na lamang bago sumapit ang national election.

Lacson o Robredo?

Dismayado naman si Lacson matapos iendorso ni Reporma President at dating House Speaker Pantaleon Alvarez ang kandidatura ng kaniyang karibal na si Robredo.

Ibinulgar din ng senador, na isa nang independent candidate ngayon, na hinihingan siya ng kampo ni Alvarez ng halagang P800-M kapalit ng pagsuporta sa kaniyang kandidatura, bagay na itinanggi naman ng huli.

Para naman kay Alvarez, si Robredo ang natatanging kandidato sa pagkapangulo na naiiba sa lahat. Dahil dito, gagawin umano ng Reporma ang lahat upang lumakas ang suporta para sa Bise Presidente sa Mindanao.

Samantala, iginiit naman ni Reporma founder, chairman emeritus at dating Defense Secretary Renato De Villa na si Lacson pa rin ang kaniyang sinusuportahan.

Bagama’t nagulat rin daw si De Villa sa ginawa ng kampo ni Alvarez kay Lacson, inaasahan naman niyang maaayos ang gusot sa pagitan ng dalawang pulitiko na pareho ring malapit sa kaniya.

Post a Comment

Previous Post Next Post