Inakusahan ni Pasig City Vice Mayor Iyo Bernardo si Mayor Vico Sotto ng paggamit sa social media para sumikat at sirain siya sa pamamagitan ng ‘trial by publicity’.
Kung matatandaan, nagsampa ng reklamong cyber libel si Bernardo laban kay Sotto noong isang linggo at nag-ugat ito sa talumpati ni Mayor Vico sa isang flag ceremony noong Enero.
BASAHIN: Mayor Vico Sotto kinasuhan ng cyber libel ni VM Iyo Bernardo

Sa naturang flag ceremony, pinasaringan ng alkalde si Bernardo dahil sa diumano’y ‘pamumulitika’ at ‘hindi pagganap’ sa kaniyang sinumpaang tungkulin bilang isang halal na opisyal ng lungsod.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, kinukuwestiyon ni Bernardo sa naturang reklamo ang motibo at timing ng pag-live stream ni Sotto sa kaniyang talumpati.
Ito umano ay isang uri ng “trial by publicity to gain fame… for his bid in the upcoming elections”, ayon sa bise.

“Why did respondent raise such matter only now when the same is not even an issue previously, and most especially when I will only rival him in upcoming elections?” nasasaad sa reklamo ni Bernardo.
Malinaw raw na ang naturang pahayag ni Sotto ay isang ‘political tactic’ at ginagamit ang social media upang siraan siya sa pamamagitan ng isang wala namang katotohanang insidente upang makakuha ng simpatiya sa publiko.
“These unlawful, tasteless, baseless and prejudicial statements of the respondent caused unnecessary backlash, unfair criticisms and embarrassment to my damage and prejudice from the public which subjected me from public ridicule and laughing matter,” dagdag pa ni Bernardo.
Ang pag-upload din umano ni Sotto ng naturang video sa kaniyang sariling Facebook account na napanood ng publiko, at kinalaunan ay tinanggal din, ay nakasira sa kaniyang reputasyon at karangalan.
Ang naturang insidente rin daw ay naging dahilan para hingan siya ng reaksyon at paliwanag ng maraming news outlets na pumunta pa sa kaniyang opisina. Nagdulot umano ito ng pagkabalisa sa kaniya at kahihiyan sa kaniyang pagkatao.
“Respondent, being a member of a rival political party, is using the incident as a trial by publicity to gain fame and popularity for his bid in the upcoming elections similar to what he is consistently doing even since he occupied the mayoralty position of Pasig,” dagdag pa ng opisyal.
Ibinahagi rin ng vice mayor na dati namang maayos ang kanilang samahan sa trabaho ni Sotto subalit bigla umano itong nagbago nang malaman ng alkalde noong Oktubre 2021 na siya ang makahaharap nito sa darating na eleksyon.
Sinubukan rin umano niyang makipag-usap kay Mayor Vico para ayusin ang anumang gusot na namamagitan sa kanila subalit nagulat na lang daw siya nang biglang lumabas sa publiko ang akusasyon ng alkalde.
Si Bernardo ang makakalaban ni Sotto sa darating na eleksiyon kung saan tumatakbo muli ang huli para sa kaniyang pangalawang termino bilang alkalde ng Pasig City.