Inirekomenda ni Senador Manny Pacquiao na bigyan ng gobyerno ng isang sakong bigas ang bawat mahihirap na kabahayan sa halip na isang “measly” na P200 monthly allowance para matulungan silang makayanan ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
“‘Yung P200 a month, hindi siguro tayo maka-survive roon para sa tatlong araw. Wala na, ubos na ‘yon. Maliit masyado ‘yung P200 a month para sa ating mga pamilya,” sinabi ng kandidato sa pagkapangulo sa isang media briefing sa kanyang pagbisita sa Sultan Kudarat.

“Ang suggestion ko siguro, bigyan na lang tag-isang sakong bigas, mas maganda pa kung tag-isang sakong bigas ang ibigay natin,” dagdag pa ng senador.

Sa isang pahayag, sinabi ni Pacquiao na dapat ding bilhin ng gobyerno ang supply ng bigas nito mula sa mga lokal na magsasaka sa makatwirang halaga upang matulungan sila sa kanilang kabuhayan sa gitna ng pagdagsa ng murang imported na bigas, walang tigil na smuggling, at mataas na halaga ng produksyon.
Ayon pa kay presidential candidate, “We will be shooting two birds with just one stone if government will choose this option to help the poor. Mabibigyan na natin ng konting ginhawa ang mga mahihirap, matutulungan pa natin ang mga magsasaka sa pagbili ng kanilang mga ani.”

Sinabi ni Pacquiao na ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglaan ng hindi bababa sa P33.1 bilyon sa “bottom 50% of all Filipino households” ay naaayon sa kanyang posisyon na matutugunan ng gobyerno ang sumisibat pataas na halaga ng gasolina sa pamamagitan ng pagsuspinde sa excise tax sa gasolina o kaya’y sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang subsidyo sa mahihirap.