Pacquiao aminadong kinakapos na sa pondo pero ayaw umasa sa mga donasyon

Aminado si presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao na manipis na ang kaniyang campaign funds sa gitna ng patuloy na pangangampanya habang nalalapit na ang eleksyon.

Sa kaniyang pag-iikot sa Sultan Kudarat nitong Huwebes, sinabi ng pambato ng PDP-Laban at isa sa pinakamayamang senador na kinakapos na rin siya sa pondo subalit ayaw niya umanong umasa sa donasyon ng mga negosyante.

Pinipili lang umano niya ang tinatanggap na donasyon dahil ayaw niyang makompromiso ang kaniyang commitment sa taong-bayan.

“May problema… kasi hindi naman tayo umaasa sa malalaking negosyante,” giit ng senador ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

“At the end of the day, ako manalo, ang taong bayan ang makikinabang. Kasi ang una kong gagawin review all the contracts of the government,” paliwanag pa nito.

Sa kabila nito, tiniyak ni Pacman sa kaniyang mga tagasuporta na tuloy pa rin ang kanilang pangangampanya kahit aminadong kinakapos na sila sa pondo.

Hindi raw kasi niya maaaring atrasan ang labang ito na hindi lamang para sa kaniya kung hindi para sa bayan at sa lahat ng mga Pilipino.

Ayon sa pagtataya ng mga election experts, ang kumakandidato sa pagkapangulo sa Pilipinas ay mangangailangan ng hindi bababa sa P1-B upang matustusan ang pangangampanya.

Ang suporta o donasyon naman na nagmumula sa mga malalaking negosyante ay umaabot umano hanggang P75-M bawat presidential candidate.

Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, nasa pang-apat na puwesto lamang ang boxer-politician na nakakuha ng 8 porsiyento preferential votes; malayong-malayo sa 60 porsiyento na nakuha ng frontrunner na si Bongbong Marcos.

Duda naman dito ang Pambansang Kamao dahil mistulang mayayaman lang daw ang tinanong sa survey.

“Baka ‘yung mga mayayaman lang tinanong nila, hindi nila tinanong ‘yung mga mahihirap na tao. Basta kumpiyansa pa rin ako na ang mahihirap na tao ay sama sama ngayon para magakaroon sila ng importansya at umunlad ang kanilang pamumuhay,” giit pa nito.

Post a Comment

Previous Post Next Post