Ibinasura na umano ng korte ang kasong kinakaharap ng actor-model na si Tony Labrusca na may kaugnayan sa isang insidente ng pambabastos umano ng huli sa isang babae noong Enero 2021.
Ayon sa abogado ni Labrusca na si Atty. Joji Alonso, pinaunlakan ni Judge Xavier Paolo Del Castillo ang ‘Motion to Withdraw Information’ na inihain ni Makati City Prosecutor Dindo Venturanza.

“The court affirmed the findings that there was no probable cause for the complaint of act of lasciviousness. The charge imputed against him was found to have no basis,” ani Atty. Alonso sa isang Instagram post.
“After observance of due process, Tony Labrusca has been cleared of profoundly damaging judgments that has tarnished his name,” ayon pa sa abogado.

Ibinahagi rin ni Alonso ang kopya ng ‘Withdrawal of Information’ resolution na pirmado ni Venturanza noong Disyembre 22, 2021, at ang resolution na may lagda ni Del Castillo kung saan nasasaad dito na pinauunlakan ang ‘Motion to Withdraw’ ng prosecution.
Nangangahulugan ito na tinatanggal na sa listahan ng korte ang kaso ni Labrusca.
Para kay Alonso, isa umano itong ‘vindication’ sa panig ng kaniyang kliyente na halos isang taon na ring hindi pinatutulog nang dahil sa kinakaharap na kaso.

Pinapurihan din ng abogado ang korte dahil sa mabilis nitong aksiyon.
“This vindication attests to how gravely he was falsely accused. We laud the justice system for ensuring a resolution in the most expeditious manner,” wika pa ng abogado ng aktor.
Kung magugunita, si Tony Labrusca ay nahaharap sa reklamong act of lasciviousness dahil sa ginawa niya umanong kabastusan sa isang babaing hindi pinangalanan.

Ang negosyanteng si Drake Ibay ang tumayong saksi sa ginawa umanong pambabastos ni Labrusca sa babaeng nagsampa ng reklamo.
BASAHIN: Tony Labrusca pormal nang binasahan ng sakdal sa korte
Noong Disyembre, itnakda ang arraignment o ang pagbasa ng sakdal ng korte sa actor-singer.
Ayon sa ABS-CBN News, plano ng kampo ng babae na maghain ng apela.