Mayor Vico Sotto kinasuhan ng cyber libel ni VM Iyo Bernardo

Nagsampa ng kasong cyber libel si Pasig City Vice Mayor laban kay Mayor Vico Sotto sa Pasig Regional Trial Court (RTC) nitong Biyernes, Marso 18.

Nag-ugat ito sa talumpati ni Mayor Vico sa isang flag ceremony noong Enero kung saan pinasaringan ng alkalde si Bernardo dahil sa diumano’y ‘pamumulitika’ at ‘hindi pagganap’ sa kaniyang sinumpaang tungkulin bilang isang halal na opisyal ng lungsod.

BASAHIN: Mayor Vico may pasaring sa Vice Mayor: “Bago tayo mamulitika, magtrabaho muna”

“Ito po ay ‘yung nangyaring insidente na nangyari sa flag ceremony dahil naniniwala kasi ako na hindi po nagagamit ang flag ceremony pagdating po sa political agenda. Ginagamit po ito para pasalamatan ang mga empleyado natin, para po i-encourage, para lalo pa pong magtrabaho para sa mga Pasigueños,” pahayag ng Bise Alkalde sa panayam ng mga mamamahayag.

Ayon pa kay Bernardo, may ‘proper venue’ para sa pagpapahayag ng sentimyento subalit huwag naman sana sa flag ceremony.

BASAHIN: VM Bernardo binuweltahan si Mayor Vico: “Nakakalungkot ang Pasig, puro palabas”

Wala rin umano sa ugali at karakter ng mga Pasigueños ang manira ng kapwa-tao.

“Mayroon pong proper na venue at ako po, ay tatanggapin ko ang lahat ng paninira. Huwag lang po sa flag ceremony,” wika pa ng opisyal.

Iginiit din ni Bernardo na ginawa niya ang kaniyang tungkulin bilang pinuno ng konseho ng lungsod at kabilang na rito ang pagpasa ng annual budget, paglalaan  ng pondo para sa financial assistance ng mga residente sa kasagsagan ng pandemya.

Ang ginawa umano ni Sotto noong flag ceremony ay isang pagkuwestiyon sa kaniyang trabaho bilang vice mayor ng Pasig City.

Kaugnay nito, sinabi naman ng kampo ni Mayor Vico na wala pa silang natatanggap na pormal na kopya ng naturang reklamo.

“Wala pa po kaming info na natatanggap kung ano ba talaga ang kasong naisampa ni VM Bernardo. We will wait for the notice from the prosecutor,” ani Sotto sa pahayag na inilabas ng Pasig City Public Information Office.

Kung matatandaan, naglabas ng kaniyang saloobin si Mayor Vico laban sa ‘pamumulitika’ ni Bernardo matapos ang sunod-sunod na pagpuna ng huli sa diumano’y ‘palpak’ na kalakaran sa lungsod.

“Sana bago tayo mag-usap tungkol sa pulitika, bago tayo mamulitika, magtrabaho muna tayo…tuloy-tuloy po sana tayo sa trabaho natin,” ani Sotto sa flag ceremony noong Enero 10.

Sinubukan rin umano niyang tawagan at padalhan ng text messages ang kaniyang bise subalit hindi ito sumasagot kaya wala siyang choice kung hindi isapubliko ang kaniyang pahayag.

BASAHIN: Mayor Vico kay Vice Mayor Iyo: May sinabi ba ako tungkol sa pamilya mo?

Si Bernardo ang makakalaban ni Sotto sa darating na eleksiyon kung saan tumatakbo muli ang huli para sa kaniyang pangalawang termino bilang alkalde ng Pasig City.

Post a Comment

Previous Post Next Post