Sinagot ng komedyanteng si Pokwang ang mga nagbabantang mag-a-unfollow sa kaniya dahil sa pagiging vocal supporter ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo.

Kamakailan lamang ay nagbahagi siya ng larawan habang nagkakabit sa kanilang gate ng tarpaulin nina VP Leni at running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan.
“Good morning. Gusto ko lang malaman n’yong mga nagbabantang mag-unfollow sa akin hahahaa. Go ahead. ‘Di ako takot mawalan ng followers!” pahayag ni Pokwang sa isang tweet.
“Takot akong mawalan ng dangal at karapatang lumaban para sa bayan at para sa’king mga anak at magiging apo,” dagdag niya pa.

Gayunpaman, nagpasalamat siya sa mga kapwa supporter ni VP Leni at sa ibang hindi niya kagaya ng paniniwala pero hindi siya in-unfollow. Aniya, nadagdagan pa nga ang kaniyang followers.
“From 2.5M sa Twitter to 2.6M. Thank you, Kakampinks sa follow at ‘yong mga ‘di nang-iwan na iba ang sinusuportahan at may malawak na pang-unawa. Salamat. So far, 2.8M pa rin sa IG hahahahahhaha thank you?” tweet niya.

Bago ito ay nakiusap si Pokwang na sa halip na i-bash sila, sana ay ituon na lang ng ilan ang kanilang atensyon sa pagsuporta sa mga artistang sinusuportahan din ang kanilang kandidato.
“Bakit kapag kaming mga #Kakampink na artista ang nag-post ng suporta kay #LeniKiko sa IG, FB, at Twitter, ang daming mga nagmamaasim na suporter ng kabila? Bakit ‘di n’yo na lang suportahan ang mga kapwa ko artista na kaalyado n’yo kesa i-bash n’yo kami? They need your support too!” sabi ng komedyante.
bakit kapag kaming mga #Kakampink na artista nag post ng suporta kay #LeniKiko sa IG, FB at Twitter ang daming mga nag mamaasim na suporter ng kabila? bakit di nyo nalang suportahan mga kapwa ko artista na kaalyado nyo kesa i bash nyo kami? They need your support too!
— marietta subong (@pokwang27) March 23, 2022