Nagtatago at hindi na umano mahagilap ang security guard na sinaktan ng anak ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na si Kurt Matthew Teves.
Ayon sa panayam ng ABS-CBN News kay Atty. Delfin Supapo, chairman ng BF Federation of Homeowners Associations Inc. legal committee, handa na sana silang magsampa ng reklamo sa batang Teves subalit hindi na nila makausap ang sekyu na si Jomar Pajares.
“Ready na kami for filing talaga, nandito na. Hindi na namin maipu-pursue mag-file ng criminal case kasi kailangan nandun si Pajares,” bahagi ni Atty. Supapo.
Si Pajares ang security guard ng BF Homes na nakunan sa video habang sinasaktan ni Kurt Teves matapos nitong sitahin ang sasakyan ng huli dahil sa kawalan ng sticker.
Sa mga naunang panayam kay Pajares, sinabi nitong pinagbantaan at tinutukan din umano siya ng baril ng anak ng solon.

Subalit inamin din nitong natatakot umano siya na baka buweltahan siya ni Teves at idamay pa ang kaniyang pamilya.
“Natatakot ako mabalikan ng mga tao na yun. Tapos naiisip ko pamilya ko. May anak po ako tapos hindi ako makapaghanapbuhay nang maayos dahil sa takot, dahil sa trauma. Wala ako kalayaan na makatrabaho nang maayos para itaguyod pamilya ko,” ani Pajares.
Nitong Huwebes ay humingi na ng paumanhin si Kurt Matthew Teves at inaming may nagawa siyang pagkakamali sa napaulat na insidente.

“What happened is already done. Whatever the exchange of words were, I was wrong to lay my hands on him. For that, I offer my sincerest apologies,” ani Teves sa isang pahayag.
“Apologies to all of you, here and to the other party concerned. This incident is entirely on me. No one else,” dagdag pa nito.

Bukod sa public apology, nagbitiw din ang nakababatang Teves sa kaniyang puwesto bilang kapitan ng Barangay Malabugas at ex-officio member ng provincial board ng Negros Oriental.
Samantala, pinag-iisipan na rin ng BF Federation of Homeowners Associations Inc. (BFFHAI) kung idedeklara nilang ‘persona non grata’ si Teves sa kanilang subdivision kung saan nakatira ang nanay ng congressman.