Ang sikat na Korean survival show na Squid Game stars na sina Jung Ho-yeon at Lee Jung-jae ay binigyan ng mga nangungunang parangal sa ika-28 taunang Screen Actors Guild Awards na ginanap ngayong taon sa Santa Monica Barker Hangar, Los Angeles.
Nanalo si Ho-yeon ng Best Actress Award para sa pagganap sa isang drama series at si Jung Jae naman ang nag-uwi ng Best Actor sa series na ipinapalabas sa Netflix.
Naging emosyonal si Ho Yeon nang magbigay ng talumpati pagkatapos tanggapin ang karangalan.

Hindi ito makapaniwala na nabigyan siya ng pagkakataong makatrabaho ang mga bigating aktor na dati ay pinanonood lamang daw niya. Ito rin daw ang kauna-unahang acting award na nakuha niya simula nang pumasok siya sa showbiz industry.
“Thank you for making me dream and opening the door for me,” pasasalamat ni Ho Yeon.
Sa kaniyang speech, pinasalamatan ni Lee Jung-jae ang ‘global audience’ dahil sa pagtangkilik sa Squid Game, “Oh my! Thank you so much. This is truly huge…Thank you so much SAG Awards. And thank you to the global audience.”

Si Jung Ho-yeon ay gumanap bilang babaeng North Korean contender sa Squid Game at si Lee Jung-jae ang bidang si Seong Gi-hun na nagkabaon-baon sa utang kaya sumali sa naturang paligsahan.
Congrats, Jung Ho-yeon at Lee Jung-jae, at sa buong cast ng Squid Game!
Ito na ang ikatlong acting award para sa Squid Game, dahil naparangalan ang aktor na si O Yeong-su ng Golden Globe bilang Best Supporting Actor noong Enero.

Ayon sa Squid Game direktor at manunulat na si Hwang Dong-hyuk, sinisimulan na raw niya ang plot para sa Season 2 ng kaniyang hit series.
Naparangalan naman din ang Squid Game ng Gotham Award bilang ‘Breakthrough Series – Longform’ noong Nobyembre.
Kasama sa iba pang mga nabigyang parangal sa SAG Awards 2022 sina Will Smith, Jessica Chastain, Jason Sudekis, Kate Winslet, Michael Keaton, Ariana DeBose, at Troy Kotsur, pati na rin ang No Time To Die, Succession, Ted Lasso, at CODA.