Ana Patricia Non ginunita ang unang anibersaryo ng community pantry

Ginunita ni Ana Patricia Non ang first anniversary ng pagkakatayo ng unang community pantry sa Maginhawa sa Quezon City.

Gamit ang tag line na “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan,” ginising nito ang diwa ng bayanihan sa mga Pilipino upang tumulong sa mga kababayang kapos dahil sa hamon ng COVID-19 pandemic.

“Happy anniversary po sa lahat ng pumila, nagbigay, sumuporta, at nag-organize ng community pantry sa buong bansa! Nagsimula lang po talaga siya sa akala ko weird na idea hanggang umabot po sa 6,700 pantries buong bansa,” pagbabalik-tanaw ni Non; kalakip ang larawan ng unang pantry na ang laman pa lang noon ay ilang de lata, bigas, gulay, at iba pa.

Nagpasalamat din siya sa iba’t ibang sektor na tumindig sa kani-kanilang komunidad.

“Andiyan po ang mga katutubo, LGBT community, mga taong simbahan, magsasaka, manggagawa, health workers, kabataan, kababaihan, lawyers, mga artista, musikero, at iba pa,” aniya.

“Maraming salamat po sa mga kaibigang nakilala. Maraming salamat po sa pag-transform mg pantry sa ibang version na lapat sa inyong community kagaya ng garden, kitchen, at poultry.”

Bukod dito, na-transform din daw nila ang usapang pagkain sa pagpapahalaga sa buhay at kabuhayan.

“Madami po akong natutuhan sa inyo. Favorite ko po ang pagbibigay ng pag-asa ng ating Community Pantries sa atin. Favorite ko rin po na ang mga simpleng mamamayan ang bida at tayo ang magpapalaya sa atin,” sabi pa ni Non.

“Malawak pala ang maabot ng pagmamahal maski sa oras na pinaka-gipit tayo. Yakap po! Tuloy tuloy lang po hangga’t kaya!”

Post a Comment

Previous Post Next Post