CinDaralla? Sandara Park nag-trending dahil sa 'lumipad' na sapatos habang nagtatanghal ang 2NE1

Ang reunion ng K-Pop girl group 2NE1 sa 2022 Coachella stage anim na taon matapos ang kanilang disbandment ay nag-trending.

Sa unang pagkakataon matapos nilang mag-disband, muling nagsama-sama ang mga K-pop legends nito para sa isang live performance noong Linggo, Abril 17 (Sabado, Abril 16 sa US) sa ikalawang araw ng Coachella 2022.

Ang mga miyembro nitong sina Sandara, Bom, at Minzy ay sinamahan si CL pagkatapos ng  solo performance nito para sa 88rising na “Head in the Clouds” set, at itinanghal nila ang kanilang 2011 hit na “I Am The Best”.

Tila nagkaroon ng field day ang mga K-pop fans sa sikat na music and arts festival.

Flying Shoes ni Sandara Umagaw ng Eksena

Sa hindi inaasahang pangyayari ay natanggal at ‘lumipad’ ang kanang sapatos ng tinaguriang ‘Pambansang Krung Krung’ habang nagtatanghal sila, ngunit sabi nga, ‘the show must go on.’

Sa pamamagitan ng isang Twitter post, ibinahagi ni Sandara ang mga snap ng kanyang outfit para sa kanilang performance. Ang huling larawan ay isang naka-zoom in shot ng kanyang kanang paa na walang footwear habang nasa entablado ito.

Natuwa ang mga tagahanga sa tila ‘Cinderella’ moment at mayroon pang nagbiro na siya na ngayon si ‘CinDaralla’. Ipinakita umano nito ang kanyang propesyonalismo nang ipinagpatuloy nito ang kanilang pagtatanghal kahit isang sapatos lamang ang suot.

Maging ang brand ng sapatos ni Sandara na Underground England.since1981 ay nagbiro na nagtabi pa sila ng isang piraso para sa kaniya.

Samantala, ibinahagi naman ng aktor na si Joross Gamboa – naging kasama at kaibigan ni Dara sa Star Circle Quest – ang litrato ni Sandara sa kaniyang IG story kung saan makikitang isang sapatos lamang ang suot ni Sandara. Sa ilang video ay makikitang natanggal ang isang sapatos niya pati ang medyas nang sumipa siya habang itinatanghal ang kanyang bahagi sa kanilang performance.

“Down to earth ka talaga @daraxxi. Nakatapak lagi sa lupa,” saad sa post ni Joross. Tumutukoy ito sa humility o kababaang-loob.

Pabiro pang tinawag ni Joross si Sandara na ‘Cinderella’ sa comments section ng tweet dahil sa nawawala niyang sapatos. “Whoever has Cinderella’s shoes kindly/please give them back”.

Matapos mawala ang kapares ng sapatos niya noong Abril 17, ibinahagi niya nitong Abril 18 na sa wakas ay natagpuan na niya ang iconic na sapatos.

Sinabi ni Sandara sa isang tweet kalakip ang larawan na suot na niya ang kumpletong pares, “I got my other shoe back! Don’t worry~!!!”

Sa isang sumunod na tweet, nagbiro siya tungkol sa kanyang medyas na nasa entablado pa rin.

“I think my socks is still on the stage. With all the other performers… sorry for that,” aniya.

Samantala, mabilis namang nakagawa ng comic version ang isang fan ng 2NE1 – ang @bachunkomix. Ang galing!

Post a Comment

Previous Post Next Post