Crowd estimate sa Leni-Kiko grand rally sa Pasay City, nasa 80k lang - NCRPO

Pinabulaanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang sinabi ng mga organizers ng grand rally-street party ng tandem nina VP Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan na umabot sa mahigit 400,000 ang bilang ng taong dumalo sa naturang event.

Ayon sa NCRPO, naging matiwasay naman ang rally na ginanap sa Macapagal Boulevard sa Pasay City noong Sabado, April 23, at nasa hanggang 80,000 lamang ang kanilang crowd estimate.

“As to its entirety, the Leni- Kiko grand campaign rally was generally peaceful. It was attended to by an estimated crowd of more or less 70,000 to 80,000 supporters and volunteers onboard of MOL (more or less) 300 cars 15 buses, 100 MCs (and 15 PUJs,” anang pahayag ng NCRPO nitong Lunes.

Bukod dito, hindi rin umano nagtagal ang ibang tao sa venue dahil nag-uwian naman kaagad ang iba makaraan ang ilang oras.

“It was also noted that a great number of rallyist did not stay for the whole duration of the event but left after a while,” dagdag pa ng NCRPO.

Maging sa naunang panayam ng ABS-CBN News kay NCRPO director Major General Felipe Natividad, sinabi rin ng opisyal na nasa hanggang 100,000 lamang ang kanilang pagtataya sa bilang ng mga dumalo.

“‘Yung estimate as of yesterday, is mga more or less nasa 90 to hundred thousand ‘yung nandoon. ‘Yun ‘yung estimate natin kasi bago naman they coordinated with us,” ayon kay Natividad.

Paliwanag pa ng opisyal, base umano ito sa kanilang estimate na per square meter na inokupa ng mga tao sa lugar.

“Tapos we also observe kasi na people go there siguro stay for a while and then they will leave hindi talaga yung consistent na they’re staying there,” wika pa ni Natividad.

Matatandaang kumalat sa social media ang crowd estimate ng organizers ng Leni-Kiko rally na umabot umano ang bilang sa 412,000.

Samantala, inalmahan naman ng mga supporters ni Robredo o ‘kakampinks’ ang sinabi ng NCRPO.

Ayon sa isang netizen, puno ng tao ang nasa 1.7 kilometro ng kahabaan ng Macapagal Blvd. mula EDSA hanggang Diokno Ave. at may mga drone shots pa para patunayang halos nasa kalahating milyon ang crowd estimate doon.

Giit naman ng isang ‘kakampink’, paanong naging 100,000 lamang ang tao gayung hinarangan na nga ng NCRPO ang ibang lugar at hindi na nakapasok ang ibang supporters dahil ‘overcrowded’ na raw.

Post a Comment

Previous Post Next Post