“Pagaling ka at kain ka nang marami.”
Ito ang mga salita ni senatorial aspirant Herbert Bautista, bilang tugon niya sa kanyang dating kasintahang si Kris Aquino matapos nitong magbitaw ng salita tungkol sa isang “ex” sa isang campaign rally ng ‘Kakampinks’.
Binanggit ni Kris ang isang dating kasintahan noong Marso 23, nang umakyat siya sa entablado sa Tarlac stop ng kampanya sa halalan ni presidential bet Vice President Leni Robredo at ng kanyang running mate na si Sen. Kiko Pangilinan.

Sa pagbanggit ng isang “ex” na bahagi ng UniTeam, sinabi ng aktres sa mga tao na dumalo, “O, ‘wag n’yo iboto ‘yon ah. Sayang ang boto dahil hindi marunong tumupad sa mga pinangako. Dedma please!”
Matatandaan na nagkaroon ng relasyon sina Herbert at Kris noong 2014 at ngayon nga ay isa sa mga kandidato ng senatorial na kaalyado ni presidential candidate Ferdinand Marcos, Jr. at ng kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Noong Sabado, Abril 2, nangampanya ang Uniteam kasama si Herbert sa Tarlac na tinatawag na bailiwick ng mga Aquino.
Sa kanyang talumpati, kinausap din ng dating alkalde ng Quezon City ang isang “ex” mula sa Tarlac, nang hindi binabanggit ang pangalan ni Kris.
“Ang sinabi nga po ni BBM at ni Inday Sara, ‘pag ikaw ay binato ng bato, batuhin mo ng burger,” anito. “Pero seriously, mga kaibigan, ito na lang ang aking message sa kaniya.”
Tumigil sandali si Herbert at lumapit kay Tarlac City Mayor Cristy Angeles na naroon din sa entablado kasama ng UnbiTeam.
“Burger tayo!” aniya kay Mayora; sabay gawa ng ‘burger sign’ gamit ang tig-isa nilang kamay.
Nabanggit din kasi ni Kris ang isang opisyal na hindi nakadalo sa Robredo-Pangilinan sortie at sinabing, “Walang utang na loob”.
Mula noon ay hayagan nang inendorso ni Mayor Angeles ang UniTeam.

Pagbalik sa harapan ng entablado, ipinagpatuloy ni Herbert ang kanyang mensahe para sa Queen of All Media. “Malaki ang respeto ko sa pamilya mo, at saka sa ‘yo. At ang aking pagmamahal sa ‘yo bilang kaibigan ay hindi na mawawala.
“Pagaling ka, at kain ka nang marami,” pagtatapos ng mensahe ni Herbert.
Panoorin:
Samantala, napapabalitang may relasyon ngayon si Herbert sa aktres na si Ruffa Gutierrez.
Basahin: ‘No. 1 sa puso ko!’ Ruffa kinumpirma na ang estado ng relasyon nila ni Bistek?