Kung mayroong couples na nagkaroon ng prenuptial agreement para mapangalagaan ang kani-kanilang properties at assets kung sakaling mauuwi sa hiwalayan ang relasyon nila, kabilang ang aktres na si Glaiza de Castro sa mga personalidad na hindi nagkaroon ng prenup bago ikasal sa asawa.
Sa exclusive interview ng PEP, ikinuwento ni Glaiza na napagdesisyunan nila ng kanyang Irish husband na si David Rainey na huwag nang magkaroon ng prenup bago ikasal. Kapwa raw sila naniniwala na hindi nila ito kailangan.

“No. Hindi ako nag-prenup,” ani Glaiza. “Parang kung anuman ‘yong meron ako, what I have is yours, and then what he has is mine.”
“So, parang isa iyon sa mga napag-usapan namin na, maybe we don’t need to do that kasi madali lang naman iyon. Whatever happens, o, di, akin na ito!” natatawang dagdag ng aktres. “‘Wag naman dumating sa ganoon.”
Pebrero 2022 nang aminin ni Glaiza na ikinasal na siya sa asawang businessman sa hometown nito sa Northern Ireland noong Oktubre 2021. Nasa Pilipinas ngayon ang mag-asawa at pinangangasiwaan ang bed and breakfast business nila na itinayo sa Baler, Aurora.

“It wasn’t easy for us, much like every relationship. We all have our own pattern and design. Marriage isn’t our end goal, it’s just a part of what’s to come,” saad ni Glaiza sa caption ng mga litratong ibinahagi niya sa Instagram. “As what @karenthecelebrant had stated: Love is a temporary madness, it erupts like volcanoes and then subsides. And when it subsides you have to make a decision. You have to work out whether your root was so entwined together that it is inconceivable that you should ever part. Because this is what love is.”

Sa isang episode ng Bright Side, isinalaysay ng aktres kung paano nagsimula ang kuwento nila, “2018, nagpunta ako no’n sa Siargao para sa aking birthday celebration. Tapos one night, may tumutugtog na isang kanta na sobrang favorite ko. Hinanap ko kung sino ‘yong nagpapatugtog, apparently, siya pala ‘yon. Nag-usap na kami.”
Nagtuloy-tuloy ang komunikasyon ng dalawa kahit na dumating sa punto na umuwi na si David sa bansa niya. Sa kalaunan, naging opisyal din ang relasyon nila.