Maricel Laxa ‘sobrang nasaktan’ nang ipakilala noong ‘pamangkin’ ng kaniyang amang si Tony Ferrer

Bilang anak ng sikat na action star noong dekada ’70, inamin ni Maricel Laxa na hindi naging madali sa kaniya na tanggaping hindi siya agad ipinakilala sa publiko at sa tunay na pamilya ng kaniyang amang si Tony Ferrer.

Hindi naman ikinaila ni Maricel na ramdam niya pa rin ang tunay na pagmamahal sa kaniya ng kaniyang tatay at inang si Imelda Ilanan.

Sa vlog ni Karen Davila, ilan lamang ito sa mga ibinahagi ng misis ni Anthony Pangilinan tungkol sa kaniyang naging buhay bilang anak ng tinaguriang ‘James Bond of Philippine Movies’ at sa kaniyang kasalukuyang pamilya.

Ani Maricel, ang kaniyang mommy ang gumawa ng paraan para kilalanin siya ni Tony Ferrer bilang anak nito.

Madalas pa raw noong sabihan ang beteranang aktres na hawig na hawig siya sa kaniyang ama at dahil dito ay kinalakihan na niya ang paniniwalang siya ang ‘junior’ ng action star na kapanabayan nina Fernando Poe Jr., at Joseph Estrada.

Subalit naging masakit umano sa kaniya ang ipakilala noon ni Tony bilang pamangkin lamang sa tunay na pamilya nito.

“Growing up, I was always made to feel favored, and loved, and cared for, by my mom. Naramdaman ko rin ‘yung ganun na atensiyon, pagmamahal sa side rin ng daddy ko, pati sa daddy ko,” bahagi ni Maricel.

Subalit dumating umano ang mga pagkakaton na kailangan ding protektahan ng kaniyang ama ang kaniyang sariling pamilya.

“Pinakilala niya ako na pamangkin niya sa mga kapatid ko. It was a major pain that I experienced at the time kasi hindi ko siya naintindihan,” pag-amin ng aktres.

“Pero kinausap ko ‘yung daddy ko, ‘Bakit kailangan mangyari ‘yon?’ Sabi niya, ‘Kasi hindi pa nila maiintindihan,” patuloy pa ni Maricel.

Sa kabila nito, ramdam pa rin daw niya ang totoong pagmamahal ng kaniyang daddy bagama’t may katanungan pa rin sa kaniyang isip kung kikilalanin kaya siya nito bilang anak.

“It was really something I couldn’t figure out in my heart and in my head. I just grew up trusting that’s what they think is best,” ayon pa kay Maricel.

Nagkaroon lamang umano ng katahimikan sa kaniyang puso at tuluyang nawala ang tampo niya sa kaniyang ama ilang araw bago ito pumanaw kung saan nagkausap sila ng kaniyang mga kapatid.

Tunghayan ang buong panayam ni Karen kay Maricel:

Post a Comment

Previous Post Next Post