Ogie Diaz dumalo sa rally ng UniTeam para suportahan ang kaibigang si Aiko

Dumalo sa isang campaign rally sa ilalim ng UniTeam ang comedian-talent manager na si Ogie Diaz, na kilala bilang isang Kakampink.

Kabilang si Ogie sa mga celebrity na sumasama sa campaign rally ni Vice President Leni Robredo at ng kanyang running mate na si Senator Kiko Pangilinan.

Gayunman, namataan si Ogie sa isang rally ng UniTeam kamakailan lang at ito ay dahil sa kanyang matalik na kaibigang aktres na si Aiko Melendez na tumatakbong konsehal sa Quezon City.

Ibinahagi ni Aiko ang isang post na nagsasabing sa kabila ng suporta nila ni Ogie sa magkaibang presidential at vice-presidential candidate sa 2022 elections, hinding-hindi maaapektuhan ang kanilang pagkakaibigan.

Sinusuportahan ni Aiko ang UniTeam nina dating Senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte. Sa isang recent Instagram post ng aktres-politician, ibinahagi niya ang ilang mga larawan na kuha sa campaign rally.

Makikita sa isa sa mga larawan na kasama rin si Ogie Diaz sa naturang event. Sa caption ng kanyang post, nagpasalamat si Aiko sa kanyang mga kaibigan sa showbiz na nakiisa sa rally sa Brgy. San Bartolome.

Ang celebrity vlogger na si Mariel Padilla, na nangangampanya para sa kanyang asawang senatorial candidate na si Robin Padilla, ay dumalo sa event; gayundin ang aktor na si Wendell Ramos.

“Maligaya ang mga taga San Bartolome na makita si ms @marieltpadilla upang ikampanya ang aming numero unong Senador @robinhoodpadilla #49 po sa balota. Nakisaya din sa amin ang aking kumpare @wendellramosofficial at mader @ogie_diaz na kahit magkaiba ang aming sinusuportahan andun pa din siya upang magpakita ng pagmamahal para sa akin,” nakasaad sa post ng aktres.

Nagpasalamat din siya sa mga residente ng San Bartolome sa mainit na pagtanggap sa kanila. Sa comment section ng post ni Aiko, maraming netizens ang nagpakita ng suporta sa kanyang political endeavor.

“You and Ogie Diaz are very open- minded. That is how it should be. Respect each other’s opinions and choices”

“Manalo ka po sana Ms. Aiko. In fairness nabilib din ako kay Ogie Diaz jan full support sayo kahit nasa kabilang kampo ka.”

Post a Comment

Previous Post Next Post