Tumangging humingi ng paumanhin at ayaw pa ring tantanan ni Manila Mayor Isko Moreno si VP Leni Robredo ilang araw matapos ang panawagan niyang umatras na sa halalan ang Bise Presidente.
Nitong Miyerkules, hinamon ng alkalde ang kampo ni Robredo na itangging kinausap nila ang ibang kandidato sa pagkapangulo para himuking mag-withdraw na sa laban.

“I challenge the honorable Vice President Leni Robredo, deny. Deny n’yo na hindi n’yo kami pinaaatras, na hindi n’yo pinaaatras si Norberto Gonzales, hindi n’yo pinaaatras si Senator Ping. Ang tanong ko, bakit, kayo lang ba ang may karapatan tumakbo?” ani Yorme sa isang panayam sa Bohol.
Sinagot din ng alkalde ang pahayag ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Guttierrez na nagsabing walang ‘active efforts’ mula sa kampo nila na kausapin ang mga karibal sa eleksyon.

“Barry, tabi ka na sa gedli (gilid or “side”). Pasalitain mo amo mo… O baka hindi niya mabasa, kailangan niya teleprompter,” giit ni Mayor Isko.
‘Godmother of bullies’
Dahil nabatikos matapos ang panawagang ‘withdraw Leni’, inakusahan ni Moreno ang mga supporters ni Robredo ng umano’y pambu-bully.
Ayon kay Yorme, si Robredo ang ‘no. 1 bully’ dahil kalabisan na ang pinagsasabi ng mga supporters nito laban sa kaniya. Ito raw ang dahilan kaya hindi niya aatrasan ang mga ‘bullies’; dahil sa pang-iinsulto at pagmamaliit sa kaniyang pagkatao.

“When you allow bully, you’re also the biggest bully. You’re the godfather of bully, in this case, godmother,” giit ng Aksyon Demokratiko standard bearer.
Lahat umano ng masasakit na salita – ‘bobo, artista lang, walang alam, pampogi lang, cute lang’ – ay nilunok na niya araw-araw mula sa kaniyang mga detractors, wika pa ng alkalde.
Hindi isyu ng pagiging babae
Itinanggi rin ni Mayor Isko na pinagkaisahan nilang mga lalaki si Robredo, ang nag-iisang babaeng presidential hopeful, sa ginanap na presscon noong Easter Sunday sa Manila Pen.
“Pag kayo ang nagsasalita masakit sa damdamin namin okay lang, pag kami ang nangangatwiran, bastos na, inaapi namin ang babae?” wika nito.

Hindi umano ito isyu ng pagiging babae, kung hindi ng karakter at ugali ng isang tao na nais maging lider ng bansa.
Samantala, sa gitna ng patuloy na pambabatikos ni Moreno, nananatili namang tahimik si Robredo at hinayaang ang kaniyang tagapagsalita ang sumagot habang abala ito sa kampanya ilang linggo na lang bago sumapit ang halalan sa Mayo.