Hindi umano suportado ni presidential candidate at Senador Manny Pacquiao ang panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno na umatras na sa eleksyon si VP Leni Robredo; ito ay ayon sa kampo ng ‘Pambansang Kamao’.
Sa panayam sa ANC, sinabi ng campaign manager ni Pacquiao na si Buddy Zamora na mabuti na lamang at hindi nakadalo ang senador sa ginanap na joint conference nina Moreno, Ping Lacson at Norberto Gonzales sa Manila Peninsula noong Easter Sunday.

“I was kind of relieved. I think the choices — we call it divine intervention that he wasn’t able to make it. He was actually in the air, circling around, waiting for instructions to land,” ani Zamora.
Ayon pa kay Zamora, hindi sang-ayon si Pacman sa ‘withdraw Leni call’ dahil naniniwala itong nasa mga tao pa rin ang huling pagpapasya para piliin ang gusto nilang kandidato.

“Senator Pacquiao believes that the choice is up to the people and since everybody filed the candidacy for presidency, he’d want the choice to be really coming from the people, not from any calls for others to withdraw,” paliwanag ng campaign manager ni Pacman.
Pacquiao ‘di talaga pupunta?
Maging ang running mate ni Pacquiao na si Rep. Lito Atienza ay naniniwalang hindi pupunta ang Promdi standard bearer kung alam nitong gayun ang kalalabasan ng presscon.
BASAHIN: Kampo ni Yorme inaming hindi kasama sa agenda ang panawagang ‘withdraw Leni’ sa Manila Pen
Lumalabas raw kasi na naging ‘anti-Robredo’ ang press conference ng tatlong presidentiables.

“Ako’y naniniwala sa integridad at sentido komon ni Manny Pacquiao. Talagang ‘di pupunta yan. If I know Manny, he will not go there. He won’t be part of this nonsense… Dahil alam kong anti-Leni Robredo ‘yun. Ang kanilang pinauurong,” lahad ni Atienza sa panayam ng GMA News.
Hindi nakadalo si Pacquiao sa naturang presser dahil naantala umano ang flight nito mula sa isang engagement kaya hindi rin ito nakapirma sa kanilang joint statement.
Gonzales nag-sorry kay Robredo
Samantala, humingi na rin ng paumanhin kay Robredo si presidential candidate Norberto Gonzales matapos amining hindi siya komportable sa ginawang panawagan ni Mayor Isko.

“If you meet the Vice President, tell her I’m sorry. Yes, I’m apologizing to her because what we need is something better after the elections,” ayon kay Gonzales sa isang panayam. “I wasn’t comfortable there. Wala sa usapan… Oh yes, you can say that. And I have said that to friends.”
Para naman sa panig ni Senador Ping Lacson, hindi niya umano kailangang mag-sorry kay Robredo dahil hindi naman siya ang nanawagang umatras na ang Bise Presidente sa halalan.