Pokwang binuweltahan ang mga bashers na nagsasabing ‘pangit’ sila ni Melai Cantiveros

Dahil sa pagiging ‘kakampink’ o supporter ni VP Leni Robredo, kaliwa’t-kanan ang natatanggap na bashing at pangungutya ng ilang celebrities tulad ng mga komedyanteng sina Pokwang at Melai Cantiveros.

Sa kabila nito, hindi naman nagpapatinag ang dalawang artista at talagang inaalmahan ang ilan sa mga matitindi at bastos na bashers sa social media.

Nitong nakaraang araw lamang, kahit pabiro ay binuweltahan ni Pokwang, o Marietta Subong sa tunay na buhay, ang mga bashers na nagsabing ‘pangit’ umano sila pareho ni Melai.

“Bashers: Ang pangit mo Pokwang! kayo ni Melai pangit nyo! Me: kailan namin sinabing maganda kami? Kailaannn????” ayon sa isang tweet ni Pokwang.

Dagdag pa nito, hindi naman nila sinabing maganda sila at kung may lumabas umanong balita na sinabi nila ito ay ‘fake news’ iyon.

“Me: kailan namin sinabing maganda kami? Kailaannn???? kung may sinabi kaming maganda kami, pwes! na FAKE NEWS NANAMAN KAYO!!! Gusto nyo yan e,” anito.

Ang tweet ng Kapuso comedienne ay may kasama ring hashtags na #PinkAngPokienyongLahat #LeniKiko2022, na tila para ipakita sa kaniyang mga detractors na mananatili siyang tagasuporta ng kandidatura nina Robredo at Senador Kiko Pangilinan.

Noong nakaraang linggo lamang ay hindi na rin nakapagpigil si Melai Cantiveros sa isang lalaking netizen na bukod sa sinabihan siyang magnanakaw ay pinagbantaan pa ang kaniyang mga anak.

“Nananawagan po ako kung nasaan ang taong ito nang masampahan ng nararapat na legal na aksyon, paki PM po ako. Maraming Salamat. [Para] matigil na ang mga panghaharass na ‘to,” ani Melai sa isang Instagram post.

Tiniyak rin ng Kapamilya comedienne-host na ipahahanap niya ang naturang lalaki upang bigyan ng leksiyon.

“At para sa’yo na nasa picture na ‘yan, PAPAHANAP KITA KAHIT SAAN KA MAN. TANDAAN MO ‘YAN. Nananawagan din ako sa mga #LawyersForLeni,” dagdag ni Melai.

BASAHIN: Melai sa nagbanta sa mga anak: ‘Papahanap kita kahit saan ka man’

Hindi lamang sina Pokwang at Melai ang nakatikim ng pamba-bash sa social media dahil sa pagiging supporters ng isang kandidato, kung hindi maging ang iba ring artista tulad nina Toni at Alex Gonzaga na ‘kinansel’ pa ng ilang netizens dahil sa pagiging supporter naman ni Bongbong Marcos.

Imahe mula sa News5

Dahil nga panahon ng eleksiyon, hindi maiiwasan na kahit ang matatagal nang pagkakaibigan ng mga artista, at maging magkakapamilya, ay nasisira dahil sa mainit na usapin ng pulitika.

BASAHIN: Pokwang sa kaniyang cryptic post; ‘Ganyan ka pala, idol pa naman kita, akala ko mabait ka’

Post a Comment

Previous Post Next Post