Sanggol na ibinenta ng sariling ina sa halagang P2,500 nabawi na ng mga pulis

Nabawi ng mga pulis sa Imus, Cavite ang isang taon at limang buwang gulang na sanggol na ibinenta ng sariling ina sa halagang P2,500.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras“, ang 21-anyos na ina ay humingi ng tulong sa mga awtoridad ilang araw matapos ang transaksyon ng pagbebenta ng anak.

“Ang sinasabi niya po is nakonsensiya siya dun sa ginawa niya. Dahil lang po sa problema niya kaya napilitan po siya na gumawa ng ganitong hakbang,” sinabi ni Imus police chief of investigation Police Lt. Reynald Afable.

Natunton ng pulisya ang suspek na si Jane Mapa sa social media ngunit tumanggi itong makipagtulungan.

Matapos magpanggap bilang ina ni Angelique, nailigtas ng mga pulis ang sanggol at naaresto ang adopter na nahaharap ngayon sa raps para sa umano’y paglabag sa Child Abuse Law at Anti-Trafficking in Persons Act.

“Malinis po ang aking konsensya. Wala po akong balak na ibenta,” ani Jane.

Dagdag pa ng suspek “Ang aking pinagsisihan dahil hindi po ako dumaan sa tamang proseso sa DSWD kasi po sa mga naririnig ko po, ito daw po ay napakatagal ng proseso. Baka po abutin pa ng 10 years.”

Nagbigay payo naman ang pulis na ang mga tao na gustong maging magulang ay dapat sumailalim sa legal na proseso ng pag-aampon.

Para naman sa mga magulang na ikinakatwiran ang kahirapan, saad ni P/LT. COL. Jun Alamo na “Hindi natin dapat ikatuwiran ang kahirapan para ‘yung sarili nating anak ibebenta.”

Basahin: Sanggol na ipinagbili ng nanay na nalulong sa online sabong, nabawi na ng NBI

Kamakailan ay napaulat na ibinenta rin ng isang nanay ang kaniyang anak sa halagang P45,000 dahil nagkandautang-utang at nalulong ito sa e-sabong. Nang mahimasmasan ay tinangka nitong bawiin ang anak ngunit hindi na naabutan ang taong bumili sa kanyang sanggol.

Matapos humingi ng tulong ng babae at ng asawa nito sa mga awtoridad, nabawi na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sanggol siyam na araw matapos nilang ireport ang pangyayari.

Post a Comment

Previous Post Next Post