Nagpahayag ang aktres na si Gladys Reyes na patuloy siyang maninindigan kasama ang kaniyang pamilya sa kanilang pananampalataya kahit dumating pa ang pag-uusig. Aniya, hindi sila patitinag.
Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Gladys na patuloy na makikiisa ang kanilang pamilya sa pamamahala sa loob ng Iglesia Ni Cristo. Kaugnay ito sa ipinatutupad na kaisahan ng INC.
Kasunod ito ng pahayag ng suporta ng Iglesia Ni Cristo sa presidential aspirant na si Bongbong Marcos at sa bise presidente na si Sara Duterte.

“Ako po at ang buo naming pamilya ay mananatiling kaisa ng aming pamamahala sa loob ng Iglesia Ni Cristo at patuloy na ipatutupad ang kaisahan, dahil ito po ay nakasulat sa banal na kasulatan, sa 1 Corinto 1:10 na wag magkabaha-bahagi at magkaroon ng isa lamang paghatol (o pagboto),” aniya.
“Ito po ay ipinatutupad sa loob ng Iglesia sa simula’t simula pa lamang,” dagdag pa niya.

Matatandaan kamakailan na nakasuot ng pink na damit ang aktres kung saan ay nilinaw niya na wala itong kahulugan at color motiff lamang ito para sa Mothers day Special na sana raw ay huwag lagyan ng kahulugan iyon.
“Huwag din po sana lagyan ng kahulugan ang kulay ng aking kasuotan nuong nakaraan, dahil ‘yun lamang ang color motiff para sa Mothers Day Special na aming ginawa at wala na pong ibang ibig sabihin.”

Hiniling niya rin na sana ay manaig pa rin ang respeto at pang-unawa sa isa’t isa; magkaiba man ang pananaw ng iba.
“Ako po ay patuloy na maninindigan sa aking pananampalataya, dumating man ang pag-uusig, ‘di patitinag. Higit sa lahat, sana ay manaig pa rin po ang respeto at pang-unawa sa isa’t isa, magkaiba man po ng pananaw ang iba.”