Leila de Lima tanggap na ang pagkatalo, 'I don’t have any regrets'

Tanggap na ni detained opposition Senator Leila de Lima na hindi na siya makababalik pa sa Senado.

Nalaman na rin ni de Lima noong Martes ang pagkatalo sa 2022 senatorial polls ngunit sinabi niyang wala siyang pinagsisisihan.

Batay sa mga partial at unofficial results ng canvassing noong Martes na sumasaklaw sa 98.04% ng election returns na natanggap, ika-23 si de Lima sa karera para sa tinatawag na Magic 12.

Kasunod siya ni Senator Richard Gordon at dating senador Antonio Trillanes IV, na nasa ika-22 at ika-21, ayon sa pagkakabanggit.

“Mahirap pong maghanap ng mga sasabihin sa ganitong mga pagkakataon. Mahirap isulat. Mahirap tapusin. Dahil kahit anong pilit kong intindihin ang balitang natanggap ko mula sa aking detention quarters kaninang umaga, napakabigat pa rin sa dibdib na tanggapin,” ani de Lima.

Dagdag pa ng dating sendaora, “Pero kailangan nating umusad at magpatuloy. Dahil walang mangyayari kung magmumukmok lang at iiwan ang nasimulan. Paunti-unti, kailangang mag-ipon ng lakas para makabangon mula sa panghihina at pagkadismaya, at buhatin ang sarili mula sa bigat na nadarama.”

Pinasalamatan niya ang mga tagasuporta na nangampanya at bumoto para sa kanya, at sinabi na kahit na ang laban sa senatorial contest ay mahirap at isang “uphill battle”, hindi nila siya pinabayaan.

“Mabigat po ang laban sa umpisa pa lang, pero hanggang dulo, hindi po ninyo ako iniwan. At sa lahat po ng may agam-agam sa umpisa, subalit nagawang magtiwala nang mamulat sa katotohanan, salamat din po. Nawa’y marami pa tayong maliwanagan at makasama sa laban,” saad ng outgoing legislator.

“As I have said, win or lose, it is the compassion for each other and love for our country that matter–love that propels our shared causes, no matter the cost or consequences,” ayon pa kay de Lima.

“I don’t have any regrets. I am still and forever will be thankful for the opportunity to serve our countrymen. Mapapagod, pero hindi susuko. Magagalit, pero hindi mauubos ang pagmamahal sa bayan. Mangangamba at mag-aalala, pero hindi maduduwag na ipaglaban ang tama at makatarungan. I will continue to fight and fight more for Truth, Justice, and Freedom,” pagpapatuloy ni de Lima.

Siya ay tumakbo sa ilalim ng slate ng presidential candidate na si Vice President Leni Robredo, na pumangalawa lamang sa kanyang kalaban na si Ferdinand Marcos Jr. sa presidential race.

Si de Lima na miyembro ng Liberal Party ay bahagi ng minorya na bloke ng Senado. Siya ay naka-detain sa Camp Crame sa Quezon City mula pa noong Pebrero 2017.

Post a Comment

Previous Post Next Post