Sa episode ng ‘Ogie Diaz Showbiz Update’ natalakay nina Ogie Diaz, Mama Loi at Dyosa Pockoh ang usap-usapan hinggil sa paglipat umano ni Vice Ganda sa GMA7.
Nagkaroon ang mga netizens ng haka-haka kaugnay dito matapos mamataan na nakikipag-meeting ang Unkabogable Star Vice Ganda sa Direktor na si Edgar ‘Bobot’ Mortiz, na direktor ng sitcom ni John Lloyd Cruz na ‘Happy ToGeTher’ simula nang lumipat ito sa GMA.

“Ang nakarating sa akin, sabi ng isang common friend namin ni direk Bobot, parang merong show abroad na pinag-uusapan ‘yung dalawa, ‘yun lang ‘yun,” paliwanag ni Ogie.
“Pero hindi ko alam bukod doon e nag-usap pa sila tungkol doon sa chismis na lilipat si Vice,” dagdag pa niya.
Ayon kay Mama Loi, nakukuwestiyon din umano ang hindi pagdalo ni Vice sa birthday celebration ng Chief Operating Officer ng ABS-CBN na si Cory Vidanes.

Naging usap-usapan rin kung may network contract pa ba si Vice sa ABS, bagama’t araw-araw pa rin namang napapanood si Vice sa noontime show na ‘It’s Showtime’.
“Hindi lang naka-attend sa birthday ni Tita Cory, lilipat na agad?” ani Ogie.
Napag-usapan din nina Ogie ang hindi pa nila nababalitaang pagpirmang muli ni Vice ng kontrata sa ABS-CBN. Sa kalakaran ng contract signing ay dapat daw may nagaganap na event para dito.

“Kasi pagkaganyan ina-announce nila na pumirma. E hindi pa natin nakikita si Vice na pumirma. Hindi natin alam kung may network contract si Vice. Ang alam ko kasi ‘pag may network contract merong contract signing. Kaya nga hindi pa natin nakikita si Vice. Baka wala pang network contract o baka hindi pa expired ‘yung contract niya,” ani Ogie.
Samantala, wala pa namang tugon si Vice kaugnay dito. Matatandaan na nangako si Vice na hinding-hindi niya iiwanan ang Kapamilya Network, ‘magkamatayan’ man, ayon sa tweet nito.
Panoorin: