Hirit ni Ate Vi sa Vilmanians, huwag nang malungkot, suportahan si Nora bilang National Artist

May mensahe at pakiusap si Batangas Representative at Star For All Seasons Vilma Santos-Recto sa kaniyang “Vilmanians”, na huwag nang malungkot dahil hindi siya kasama sa listahan ng mga naparangalan bilang “National Artist” para sa pelikula, na nasungkit naman ni Superstar Nora Aunor, kasama ng manunulat na si Ricky Lee at direktor na si Marilou Diaz-Abaya.

Vilmanians ang tawag sa mga tagahanga at tagasuporta niya simula noon hanggang ngayon. Isang Vilmanian ang kumuha umano ng kaniyang atensiyon tungkol sa balitang hinirang na isa sa mga Pambansang Alagad ng Sining si Ate Guy.

Kaagad umanong nagbigay ng kaniyang mensahe si Ate Vi sa pribadong chat group nila ng Vilmanians upang pakalmahin ang mga ito. Marami raw kasi ang nalungkot at nadismaya dahil hindi kasama ang Star For All Seasons, na hindi na rin mabilang ang mga pelikula at parangal na natanggap dahil dito.

“Huwag na kayo maging malungkot. Naniniwala ako na sa mundong ito, if anything is meant to happen, it will find its way,” ani Vilma sa masusugid niyang tagahanga. “And yes, there is always a time for everything.”

“Maraming salamat sa inyo dearest Vilmanians sa patuloy at walang humpay ninyong pagsuporta sa akin. Mahal na mahal ko kayong lahat.”

“Isang pagpupugay ang dapat natin ibigay sa ating bagong set of National Artists. Bawat isa sa kanila ay may angking galing at talino na lubos na kahanga-hanga. I sincerely congratulate all of them. Mabuhay kayo, mga Vilmanians!”

Kung may Vilmanians, ‘Noranians’ naman ang tawag sa mga tagasuporta at tagahanga ni Ate Guy.

Matatandaang “magkaribal” sa dami ng tagahanga at pasikatan noon sina Nora at Vilma, sa kanilang prime years noong dekada 70 hanggang 80 at maging sa love teams ay umingay ang kanilang pangalan. ‘Guy and Pip’ (Tirso Cruz III0 at ‘Vi and Bot’ (Edgar Mortiz) ang matinding labanan noon ng mga fandoms.

Nagkasama na sina Vilma at Nora sa mga pelikulang gaya ng “T-Bird at Ako” at “Ikaw ay Akin”. Sa kabila ng kompetisyon sa pagitan ng dalawa sa usaping career, magkaibigan naman ang dalawa.

Samantala, ibinahagi ni Broadway star at aktres na si Lea Salonga sa social media ang pagbati sa walong national artist na itinanghal ngayong 2022.

Post a Comment

Previous Post Next Post