Ibinahagi ni Lolit Solis ang kanyang honest thoughts sa balitang humingi ng financial assistance si KC Concepcion para matapos na ang kanyang Hollywood movie na “Asian Persuasion”.
Ayon sa post ni KC (Maria Kristina Cassandra “KC” Cuneta Concepcion) sa Instagram, natapos na ang paggawa ng pelikula ngunit kailangan ng karagdagang pera para sa proseso ng post-production.
Ipinaliwanag naman sa website ng kanilang fundraising na tinamaan umano ng Covid ang kanilang main talent at kailangan muna nilang itigil ng dalawampung araw ang kanilang production kung saan naging dahilan ito upang madagdagan ang kanilang expenses.

As of posting umabot na ng $10,748 o PhP572,895 sa Philippine peso ang natanggap nilang donasyon kung saan nasa $50,000 o P2,665,125 naman ang kanilang target amount para sa post-production ng pelikula.
Mayroon pa namang 55 days na natitirang panahon para makalikom sila ng 50,000 US dollars kaya naman may oras pa na mag-donate ang gustong magbigay ng tulong pinansyal.
Ayon sa showbiz reporter na Manay Lolit kung tawagin, hindi dapat managot si KC sa paglikom ng pondo para sa pagtatapos ng pelikula. Higit pa rito, sinabi ni Lolit na kung walang sapat na pondo ang proyekto, maaaring lumipat na lamang si KC sa iba since na mayroon siyang degree sa kolehiyo at maraming koneksyon at oportunidad.

“Big deal talaga ang paggawa ni KC Concepcion ng isang Hollywood movie, Salve. Malaking balita, lalo na ngayon na sinasabing medyo naipit sa budget at kailangan tumulong si KC Concepcion para matapos ito. Para naman desperate move ang gagawin kung sakali,” ani Lolit.
“Ano iyon, para bang lalabas pang si KC na lang ang mag-produce ng sarili niyang pelikula? Hindi naman maganda na ganuon ang mangyari. Kung talagang maganda ang project at para talaga kay KC hindi niya kailangan tulungan financially ang production,” dagdag pa niya.

“Mahirap na, dapat talent lang siya, bayaran ang serbisyo niya bilang artista, hindi siya dapat maglabas ng puhunan. Hindi naman kailangan ni KC na mag showbiz kung talagang hindi para sa kanya ang career na ito. College graduate, may connection, madali ang ibang opportunities para kay KC Concepcion. Hindi naman showbiz lang ang mundo, malawak ito para sa isang KC Concepcion,” ani Lolit.
May point nga ba si Manay Lolit?
Inaasahan naman umano na matatapos ang nasabing movie sa September 2022.