Nais isulong ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo ang pagbibigay ng P1,000 reward sa mga makapagtuturo ng mga hindi karapat-dapat na pamilyang nakikinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Patuloy at ongoing pa ang paglilinis namin ng listahan. Siguro after that, kapag may narinig pa rin tayong mga kababayan nating nagrereklamo, papasimulan na natin ang pagbibigay natin ng reward na P1000 sa hindi naman dapat beneficiary,” ani Sec. Tulfo, ayon sa ABS-CBN News.

Dagdag niya pa, marami silang nakukuhang tip ngayon sa kanilang hotline tungkol sa mga diumano ay ‘di karapat-dapat ngunit nalalaman nilang hindi naman totoo ang impormasyon.
“Maraming ganon, tumatawag sa hotline namin, agad naming sinisilip, pinapadalhan namin tao, tama nga naman, nasa bahay na bato pero wala sa listahan ng 4Ps. Ibig sabihin, ‘di sila tumatanggap,” paliwanag niya pa.
Matatandaang ilang araw matapos manungkulan sa DSWD ay ipinangako ni Sec. Tulfo na aayusin nila ang listahan ng 4Ps beneficiaries upang masiguradong karapat-dapat ang makatatanggap ng tulong mula rito.

Sa kaniyang Facebook page ay ibinahagi niya ang pahayag ng World Bank na nagsasabing karamihan sa mga benepisyaryo ng cash transfer program ay hindi karapat-dapat.
“Totoo po yang balita na ‘yan. Kaya nga nililinis na po namin ang 4Ps listahan last week pa. Give us three to five weeks at marami (higit daang libo) ang mawawala na sa listahan. Salamat po sa pagpapaalala,” aniya.
Samantala, bukod sa paglilinis ng listahan ng 4Ps ay isa rin sa isinusulong niya ay ang mabuting pagtrato sa mga humihingi ng tulong sa DSWD.

[RELATED: DSWD Sec. Tulfo reminds employees to treat ‘customers’ with respect]
Paalala ni Sec. Tulfo sa mga kawani ng DSWD, ang mga lumalapit sa ahensya ang dahilan kung bakit mayroon silang trabaho.
“Hindi po natin sila puwedeng balewalain at bastusin na lamang dahil po sa kanila, mayroon tayong trabaho. Tratuhin po natin nang maayos at tandaan nating mga kliyente o customer natin ang mga ito,” aniya.