Marami ang napahanga sa isang guro na nakuhanan ng larawan habang inihahatid ang kaniyang estudyante upang masigurong ligtas itong makauuwi sa kanilang tahanan.
Kuwento ng uploader at asawa ng guro na si Benj Cesar, mahigit dalawang oras na naghintay ng kaniyang sundo ang bata kaya nagdesisyon ang gurong si Dayanara Cesar na ihatid na lamang ito. Makikitang pinapayungan pa niya ang estudyante habang naglalakad sa ilalim ng ulan.

“11:15 Dismissal time pero wala pa ring sumusundo sa bata kaya naisipan niyang ihatid na lang dahil 1:30 pm na,” sabi ng uploader.
Kahit gusto pagsabihan ang mga magulang ng bata ay wala raw siyang magawa dahil hindi niya naman alam ang buong kuwento kung bakit hindi nila nasundo ang anak.
“Gusto kong sermonan yung magulang pero hindi natin alam ang kwento nila. Basta ang alam ko lang sa propesyon na ‘to, kailangan mo ng malaking puso para sa bata,” dagdag pa ng uploader.

Sumang-ayon naman ang isa pang guro rito at sinabing maghahatid na rin sana siya ng estudyante dahil hindi nakasasagot sa kaniyang tawag ang magulang nito ngunit kalaunan ay nalaman niyang wala pala itong sariling cellphone.
“True, sir. Maghahatid na rin sana ako kanina. After 2 hrs dumating din.. Wala palang sariling cp ang nanay. Nakiki-insert lang ng sim. Kaya pala unattended nung tinatawagan ko,” pagbabahagi niya.

Ang iba namang netizen, ipinaabot ang kanilang pasasalamat sa guro dahil sa kabutihang-loob nito. “Maraming salamat po, ma’am. Kahanga-hanga ka pong tunay,” komento ng netizen sa post ng uploader.
“Thank you teacher. Sana lahat ng teacher same ng pananaw nyo po at pag trato sa estudyante salute sa inyo mam,” sabi ni T. Torres.
“Salute u mam dayanara thank u sa kabaitan sobrang na touch aq sa post na to. God bless u mam. Sana lahat ng teacher tulad mo po,” komento naman ng isang netizen.