Naging agaw-pansin sa mga netizens ang post ng isang Facebook page na ‘Khlevin Yambao Hosting and Coordination Services’, isang event organizer, noong Setyembre 21, 2022 kalakip ang isang imahe kaugnay sa mga taong hindi imbitado sa kasal o kung imbitado man ay mahilig magbitbit ng kasama.
Wedding invitation ito na ang nakasulat ay “You’re not invited to our wedding”. Ang date ay ‘none of your business’ at ang location ay ‘not telling you.’
Ipinaliwanag ng organizer na lahat umano ng event ay pinaghahandaan.

“While this may sound rude or selfish, pero ang kahit anong event po ay pinaghahandaan. Binibilang ang lamesa, upuan, souvenir at pagkain,” ayon sa post.
Dagdag pa nito na ang isang ulo sa catering ay katumbas ng dagdag-bayarin para sa nagdaos ng event.
“Kapag nagdala po kayo ng isa pang kasama, kukuha rin ‘yan ng Space/Upuan, food, at souvenir. Ang isang ulo po sa catering ay nagkakahalaga ng 700-1500 pesos.”
Kaya naman pakiusap ng organizer na kung sino lang ang invited ay ‘wag nang magbitbit ng kasama.

“Kung kayo lang ang invited, ‘wag na magsama. Ito po ay hindi natin pa-event. Irespeto po sana natin ‘yung event nung couple na for sure matagal nilang pinagplanuhan.”
“Kung hindi talaga maiiwasan, p’wede niyo naman po sabihan ‘yung couple ahead of time, para maisama sa bilang kung kaya pa.”
Ang post na ito ay paalala para sa mga taong imbitado na may ugaling magbitbit lagi ng kasama.
“Again, hindi po ninyo event ito. Igalang ho sana natin ‘yung desisyon nung nagplano, nag-abala at higit sa lahat magbabayad.”
Paalala pa ng organizer na may tinge of humor, “Unless, may dala siyang sarili niyang upuan at packed lunch, why not.”

Sumang-ayon naman ang maraming netizens sa nasabing post.
“True, this is the problem with us. You invited one and it becomes 3.”
“It is rude to bring someone uninvited just because you know the hosts. You embarrass/insult both the host and the gatecrasher. And don’t feel bad if you’re not invited. That is the prerogative of the host. Chill.”
“Sinasabi o nilalagay naman kase sa invitation kung p’wede ka mag sama at ilan dapat, hindi ‘yung basta na lang nagsasama.”
Imagine, kung may sampung imbitado na nagsama ng tig-iisa o dalawa, ilan ang bilang na wala sa budget, ‘di ba?
Well, bato bato sa langit, ang tamaan sana naman ay tandaan ito.