Wala nang makapipigil pa. Dalaga na talaga ang dating child actress na si Jillian Ward na unang nakilala sa pagganap sa 2010 drama-comedy TV series ng GMA Network na “Trudis Liit.”
Sa isa niyang post sa Instagram Story ay ipinakita niya sa mga followers ang bago niyang sasakyan na handog umano sa kaniya ng kaniyang mga magulang.
Base sa mga nakaraan niyang post, tila nagkakahilig na siya sa mga mamamahaling sasakyan at sinasabing panglima na ito. Good investment din naman.

At kamakailan nga, finlex ng bida ng bagong teleserye ang bagong “taping car” na puti kung saan ay mababasa ang “Thank you Mama and Papa for my new taping car!”
Aba, isang BMW M-Sport lang naman ang panibagong sasakyan ng 17-taong gulang na beauty na nakasuot pa ng kanyang doctor outfit sa karakter na ginagampanan niya sa Kapuso serye.
Basahin: Jillian Ward @17: Matapos bumili ng BMW, Porsche naman
Nobyembre 2021 nang ipinakita ni Jillian ang kaniyang unang BMW na katas umano ng kaniyang pagsusumikap sa showbiz. Aniya, “My new baby car.”

Pagkatapos bumili ng sarili niyang sasakyan na BMW, noong Marso ng taong kasalukuyan ay ibinida naman ng young actress na isa na rin siyang proud owner ng Porsche sports car.
Ibinahagi ng teen actress ang update sa pamamagitan ng matinding pagpo-pose sa harap ng kanyang bagong black ride habang nakasuot ng fit na jumpsuit na may parehong kulay.
“My first sports car,” isinulat niya sa caption, na tinag pa ang German automobile manufacturer.

Naibida na rin dati ni Jillian na may dalawa pa siyang naipundar na sasakyan; isang Ford pick-up truck at black taping van na pina-customize pa niya ng Hello-Kitty-themed interiors.
Nagpapatutoy ang pagsibat ng career ni Jillian at kasalukuyan niyang proyekto ang “Abot Kamay na Pangarap” sa Afternoon Prime sa GMA kasama sina Carmina Villaroel, Richard Yap, Dominic Ochoa, Heart Ramos, Pinky Amador, Andre Paras at iba pa.
Para kay Jillian, super challenging ang role niya dito at masaya siya na nakasama ang mga beteranong aktor.